MANILA, Philippines- Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na aayusin ang power supply sa Palawan sa pamamagitan ng tulong ng Maharlika Investment Corporation (MIC).
Ang MIC ang tutukoy sa infrastructure projects na maaaring ituring na financially at commercially viable na pamuhunan.
Bubuo rin ito ng investment strategies na sasaklaw sa mga umuusbong na megatrend tulad ng sa kalikasan, panlipunan, sa governance, digitalization at health care.
Sa isinagawang pamamahagi ng presidential aid sa mga magsasaka at mangingisda sa Palawan, sinabi ni Pangulong Marcos na magsasagawa ng pag-aaral ang MIC at National Electrification Administration at Palawan Electric Cooperative para ayusin ang power supply sa lalawigan.
”Kasama [rin] siyempre sa ating prayoridad ang pagpapalago ng turismo sa inyong lalawigan at pagpapabuti pa [ang] daloy ng transportasyon dito. Ito’y gagawin natin sa pamamagitan ng Puerto Princesa Airport Development Project at Pag-asa Island Airport Development Project,” ayon kay Pangulong Marcos.
”Alam din po [namin] ang inyong mga hinaing, una na diyan [ay] ang kakulangan [sa] suplay ng kuryente,” dagdag na wika nito.
”Upang matugunan ito, ang Maharlika Investment Corporation, ang National Electrification Administration, at ang Palawan [Electric] Cooperative ay [magsasagawa] ng pag-aaral upang mapabuti ang supply ng kuryente sa inyong lalawigan. Tayo po ay umaasa sa mga positibong bunga ng mga kasunduang ito,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
Sa kabilang dako, sa naging talumpati ni Pangulong Marcos, kinilala nito ang Palawan bilang isang popular tourist destination dahil sa mga isla nito at national parks.
Nagkaloob naman si Pangulong Marcos ng cash assistance na nagkakahalaga ng P10,000 sa bawat isa sa 20 piniling benepisaryo mula sa rehiyon at maging P100 milyong financial aid sa City Government of Puerto Princesa at Provincial Governments of Palawan at Marinduque.
Samantala, bilang tugon sa mga hamon na dala ng matinding tag-init at tagtuyot, nagkaloob din ang gobyerno ng agri-fishery assistance packages na kinabibilangan ng ‘farm machineries, fishing equipment, seedlings, fertilizers at financial support’ bilang bahagi ng patuloy na commitment ng Department of Agriculture (DA) na palakasin ng agriculture sector ng bansa. Kris Jose