Popondohan ng gobyerno ng Japan ang isang ¥234 milyon (humigit-kumulang P91 milyon) na proyekto para tulungang itaas ang kamalayan ng mga botante para sa paparating na parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa 2025.
Ipapatupad ng United Nations Development Programme (UNDP) ang inisyatiba na naglalayong isulong ang digitalization ng electoral process sa rehiyon.
Pormal na nagsagawa ng inisyatiba si Japan Ambassador Kazuya Endo at UNDP Resident Representative Dr. Selva Ramachandran sa paglagda ng exchange of notes sa isang seremonya sa Makati noong Huwebes.
Naniniwala si Endo na ang matagumpay na pagsasagawa ng halalan na ito ay may potensyal na lubos na mapatunayan ang mga pangunahing desisyon at diyalogo sa likod peace process sa ngayon.
Dagdag pa niya, sa pagtulong sa mamamayan ng BARMM sa kanilang mga mapagpasyang pagpili, ang pagtutulongan sa Commission on Elections (Comelec) at UNDP ay naglalayong ipakilala ang higit na kalinawan sa proseso ng elektoral, palakasin ang mga kapasidad ng mga kinauukulang stakeholder, at tumulong na magkaroon ng mas participative voter base sa pamamagitan ng digitalization.
Nakikita rin aniya ang inisyatibong ito ay nakakabawas sa pangamba ng mga botante habang binibigyan sila ng kaalaman upang makarating sa mga desisyon na batay sa katotohanan.
Sa pamamagitan ng 1.5-taong proyektong ito, magkakaroon ang mga botante ng Bangsamoro ng mas madaling pag-access sa impormasyon sa mga kandidato at makita ang mga partidong pampulitika, gayundin ang istruktura ng Bangsamoro Parliament na kabaligtaran sa pambansang pamahalaan.
Sasaklawin din ng proyekto ang pagbibigay ng internet access at mga dedikadong server upang ipakilala ang pinahusay na daloy sa pagbabahagi ng impormasyon at dagdagan ang mga deliberasyon ng botante sa pamamagitan ng analytics.
Ang BARMM ay nagsasagawa ng kanilang unang regular na parliament polls sa Mayo 2025, na gaganapin kasabay ng midterm election.
Sinabi ng Comelec na magpapatuloy ito sa pag-abot sa malalayong lugar hanggang sa matapos ang registration period sa Setyembre 30.
Dinaluhan ang signing ceremony ni Comelec Director and Special Assistant to the Chairman Frances Carolyn Aguindadao-Arabe, Department of Foreign Affairs Assistant Director Anthon Cayaco, at Carlos Domingo Guevara ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPRU). (Jocelyn Tabangcura-Domenden)