MANILA, Philippines – Apat na katao na ang kumpirmadong nasawi sa sunog sa Binondo, Maynila Biyernes ng umaga.
Natagpuan ang apat na biktima sa iisang kuwarto na magkakalapit at kapwa mga babae na border umano sa nasabing gusali.
Sa impormasyon mula sa ilang rumespondeng bumbero, posibleng hindi lang apat ang nasawi at hinihinalang aabot hanggang 12 katao ang patay matapos ma-trap sa makapal na usok.
Pasado alas-7 ng umaga nang magsimula ang sunog sa tatlong palapag ng residential building sa Nueva St., corner Carvajal St., Binondo, Maynila.
Nabalot ng makapal na usok ang gusali dahil pawang sarado ang mga bintana nito kaya nagawa itong basagin ng mga bumbero upang makalabas ang usok at maapula ang sunog sa loob.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog at hindi pa idinideklarang fire out dahil nagpapatuloy pa ang pagbuga ng tubig upang masiguro na hindi na ito sumiklab pa. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)