MANILA, Philippines – Nagtanong si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa Philippine National Police kung hanggang kalian nito planong manatili sa lugar na pagmamay-ari ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), sa pagsasabing ang presesnya ng mga pulis ay nagdudulot ng abala sa publiko.
Matatandaan na naabala ang maraming mga residente at mga pasahero ng kalapit na Davao International Airport nang magtipon-tipon at magbarikada sa mismong kalsada ang mga tagasuporta ng puganteng si Pastor Apollo Quiboloy.
Ani Duterte, bagama’t nirerespeto niya ang implementasyon ng arrest warrant sa KOJC leader, iginiit niya na dapat pa ring sumunod sa batas.
“We have observed that the PNP personnel led by General Marbil and General Torre are no longer following proper procedure in implementing the warrant especially the use of excessive force against innocent citizens and their unauthorized occupation at the KOJC compound,” sinabi ni Baste sa isang social media post.
“This situation has already caused inconvenience to motorists, businesses, and the public. The public seeks clarification from the PNP, how long do you intend to stay at the KOJC property,” dagdag pa niya.
Ani Duterte, anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at kapatid ni Vice President Sara Duterte, gaano man niya kagustong makialam sa sitwasyon, “the police personnel will only listen to the PNP Chief and to their Commander-In-Chief President Bongbong Marcos.”
Umapela rin ito sa mga miyembro ng KOJC na isagawa ang kanilang kilos protesta sa mapayapang paraan at “refrain from doing activities that will disrupt traffic flow to ensure the safety of your members and of the public.”
Nitong Sabado ng umaga, nasa 2,000 pulis ang nagtungo sa KOJC compound para isilbi ang warrant of arrest laban kay Quiboloy.
Nahaharap si Quiboloy sa mga reklamong paglabag sa child at sexual abuse, at human trafficking.
Kasunod nito ay nagtipon-tipon ang mga tagasuporta ni Quiboloy sa harap ng KOJC compound at naglatag pa ng mga barikada dahilan para hindi na madaanan ang kalsada malapit sa paliparan. RNT/JGC