Home METRO Bata patay sa student driver sa Maynila

Bata patay sa student driver sa Maynila

MANILA, Philippines – Nasawi ang 12-anyos na bata habang sugatan naman ang dalawa iba pa matapos salpukin ang mga ito ng isang kotse sa Tondo, Maynila.

Ayon sa impormasyon, ang drayber ng kotse ay nagpa-practice driving nang mangyari ang insidente.

Sa kuha ng CCTV, naglalakad ang dalawang bata sa Solis Street bandang alas-2 ng umaga nitong Sabado, Hunyo 22.

Kasama ng isa sa mga bata ang nanay nito habang mayroong isang sasakyan na naka-hazard ang nasa kanang bahagi ng kalsada.

Tumawid ang nanay at kasama nitong dalawang bata ngunit bigla na lamang umandar ang kotse at nasalpok ang mga biktima.

“Eksakto pagtawid ng dalawang bata tsaka ng nanay, biglang dumating ‘yung sasakyan, biglang lumikong ganoon. Tamang tama ‘yung dalawang bata tsaka ‘yung isang nanay, nasalpok ng naka-black na sasakyan,” pahayag ni Louie Dela Cruz, chairman ng Barangay 215, Zone 20, sa panayam ng GMA News.

Nayupi naman ang isang tricycle at gate ng isang Bahay sa lakas ng impact ng pagbangga ng sasakyan.

Patay ang biktimang si Princess Dela Cruz, habang isinugod sa ospital ang mag-ina.

Inamin naman ng suspek na nag-aaral siyang magmaneho.

Humingi ito ng tawad sa nangyari ngunit desidido ang pamilya ng biktimang nasawi na panagutin sa batas ang suspek. RNT/JGC