MANILA, Philippines – Isinailalim na sa depopulation at condemnation ang mga hayop na apektado ng Query o Q fever, sinabi ng Department of Agriculture (DA) nitong Sabado, Hunyo 22.
Sa Saturday News Forum sa Quezon City, sinabi ni DA Assistant Secretary Arnel De Mesa na ginawa ng pamahalaan ang naturang aksyon matapos na magpositibo sa Q fever ang mga imported na kambing mula sa Estados Unidos.
“Noong na-confirm ng series of laboratory tests itong Q fever, doon sa 94 na kambing na naiangkat at nakarating ng Marinduque, iniutos po agad ng ating Kalihim iyong kagyat na depopulation or condemnation noong mga nasabing kambing magmula pa doon sa quarantine areas sa Pampanga,” ani De Mesa.
Isinagawa ang depopulation sa lahat ng mga kambing at baka sa lugar na pasok sa 500-meter radius ng infected site.
“Natapos po iyon kahapon o noong isang araw iyong depopulation noong mga kambing at baka na nandoon sa surveillance area at tuluy-tuloy din naman iyong contact tracing na ginagawa,” dagdag pa ng opisyal.
Nakikipag-ugnayan na ang DA sa Department of Health para imonitor ang kalusugan ng mga residenteng naninirahan sa apektadong lugar lalo na ang mga farm worker.
Ayon sa US Centers for Disease Control and Prevention, posibleng mahawaan din ang mga taong makalalanghap ng alikabok na kontaminado ng dumi, ihi, gatas o birth products ng infected na hayop.
Kabilang sa mga sintomas nito ay lagnat, chills, fatigue at muscle pain.
Inilagay naman ng DA sa temporary ban ang pag-iimport ng mga kambing mula sa US hanggang sa matukoy na ang source ng sakit.
“Tuluy-tuloy iyong imbestigasyon nitong nangyari para masigurado na hindi mauulit itong paglabas ng Q fever, kasi ito iyong kauna-unahang pagkakataon na na-confirm natin na may Q fever tayo,” ani De Mesa.
Ang mga imported na kambing ay dumating sa Pilipinas noong Enero 11 at dinala sa quarantine facility sa Pampanga para sa mandatory 30-day quarantine, maging ang blood sampling at testing.
Lumabas ang positibong resulta para sa Q fever noong Pebrero 6.
Sa kabila nito, ang ilang mga kambing ay nailipat na sa Marinduque at sumailalim sa hiwalay na serye ng mga testing noong Marso 11.
Ang unang confirmatory test gamit ang reverse transcription – polymerase chain reaction (RT-PCR) test ay may positibong resulta noong Hunyo 19, na sinundan ng kaparehong resulta sa final confirmatory test noong Hunyo 20. RNT/JGC