MANILA, Philippines — Kabilang ang Bataan at dalawa pang lugar sa pinagpipiliang lokasyon para sa unang nuclear power plant ng bansa, ayon sa Department of Energy (DOE).
Sinabi ni DOE Secretary Sharon Garin na kabilang ang Bataan sa tatlong shortlisted areas, bagama’t hindi pa pinal ang isinasagawang pagsusuri.
“We’re shortlisting about three areas. I just don’t really want to mention yet because wala pa yung evaluation na final. But Bataan is one of those three,” ani Garin sa mga mamamahayag.
Inihayag ito ilang araw matapos sabihin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address na panahon nang muling pag-aralan ang paggamit ng nuclear energy bilang pinagkukunan ng kuryente.
Tiniyak ni Garin na magiging mahigpit ang pamahalaan sa pagpapatupad ng proyekto at susunod ito sa mga internasyonal na pamantayan sa kaligtasan.
“I just want to emphasize that we will be very stringent on the implementation of this project. We have the international community watching, IAEA [International Atomic Energy Agency], which is the international agency,” ani Garin.
“We will make sure that we are compliant because we don’t want a nuclear power plant na hindi safe dito [that is not safe]. We want the most perfect we can build as a first nuclear power plant.”
Ayon sa DOE, maaaring abutin ng humigit-kumulang isang dekada bago maging operational ang unang nuclear power plant ng bansa dahil sa matagal na proseso ng permitting at konstruksyon.
“Hopefully, we can have it in the next decade. Because you cannot build it by just permitting, building, and the construction. It will take time. It will be longer,” dagdag ni Garin.
Nauna nang sinabi ng Malacañang na hindi itutuloy ng pamahalaan ang nuclear energy program kung malalagay sa panganib ang kaligtasan ng publiko.
Noong 2025, nilagdaan ni Marcos ang Republic Act No. 12305 o Philippine National Nuclear Energy Safety Act na lumikha sa Philippine Atomic Energy Regulatory Authority (PhilATOM), ang ahensyang mangangasiwa sa regulasyon ng nuclear energy sa bansa.
Ang Bataan Nuclear Power Plant, na sinimulan noong administrasyon ng yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ay hindi kailanman naipatakbo dahil sa mga isyu sa kaligtasan at iba pang suliranin. Dave Baluyot