MANILA, Philippines – TININTAHAN na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang batas na naglalayong palakasin ang access at suporta ng gobyerno sa de-kalidad na edukasyon sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA).
Sa ilalim ng Republic Act No. 12321 o Last Mile and GIDA Schools Act, bibigyan ng mas malaking suporta ang mga paaralang nasa GIDA, kabilang ang mga lugar na apektado ng kaguluhan, kalamidad at iba pang kondisyong nagpapahirap sa ligtas na pagpasok ng mga estudyante.
Sa ilalim pa rin ng batas, bibigyan ng prayoridad sa pagkuha ang mga kuwalipikadong guro at iba pang kawani ng paaralan na mga residente o handang manirahan sa komunidad at may ugnayang pangkultura sa GIDA communities, upang mas maging epektibo ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga mag-aaral.
Naglalaan din ang batas ng suporta para sa mga gurong nakatalaga sa mga liblib na lugar, kabilang ang karagdagang kompensasyon at mga allowance, tulong sa transportasyon at pabahay, at tuloy-tuloy na propesyonal na pagsasanay upang mapanatili at higit pang mapahusay ang kanilang kakayahan sa pagtuturo.
Sinasabing, ang mga eskuwelahan ay maaaring maging kuwalipikado kung mami-meet nito ang criteria na itinakda ng DepEd, kabilang na ang mahigit sa 75% Indigenous Peoples (IP) learners, nagsisilbi sa komunidad na apektado ng armed conflict, insecurity, o disaster risks, o nagbibigay-kasiyahan sa ibang indicators na itatatag ng departamento.
Sa ilalim ng batas, dapat na i-adopt ng DepEd ang isang national school accessibility standard para gabayan ang school planning at infrastructure development, upang maatiyak na ang mga mag-aaral ay mayroong access sa isang basic education school sa loob ng tinatawag na ‘walkable distance’ na tatlong kilometro mula sa kanilang tahanan.
Inatasan din ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magtayo at panatilihin ang access sa lansangan, habang ang local government units ay makakatulong sa pagbibigay ng transportation services o alternative learning delivery modes sa mga lugar kung saan ang terrain, geography, o safety conditions ay naging mahirap ang paglalakbay.
Sa loob ng isang taon na naging epektibo ang batas, dapat na mag-develop ang DepEd at maglathala ng National Last Mile and GIDA Schools Map, na gagabay sa ‘planning, resource allocation, at implementasyon ng mga programa para sa underserved schools.
Sinasabi rin sa batas na kailangan na ang DepEd ay mag-roll out ng mga programa na pinasadya sa mga pangangailangan ng mga mag-aaral sa Last Mile and GIDA Schools. Kabilang dito ang alternative learning delivery modes, ang probisyon ng learning materials at equipment, school feeding at health programs, pinahusay na water at sanitation facilities, electrification, computerization, at pagsasama ng prayoridad sa ilalim ng Adopt-a-School Program.
Upang tugunan ang mga problema na kinahaharap ng mga guro na nakatalaga sa remote communities, pinalalakas ng batas ang suporta para sa teaching at non-teaching personnel. Kabilang sa tulong ay kinabibilangan ng ‘hardship at mobility allowances, housing support, professional development at training, scholarship opportunities, localized hiring, at career advancement incentives.’
Para sa mga eskuwelahan na matatagpuan sa loob ng ancestral domains, binigyang mandato ng batas ang integrasyon ng Indigenous Knowledge Systems and Practices (IKSP), indigenous languages, at culturally appropriate learning materials sa curriculum, alinsunod sa Republic Act No. 8371, o Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997.
isinasaad pa rin sa batas na ang pagpopondo para sa implementasyon ay manggagaling mula sa budget ng mga kinauukulang ahensiya. (Kris Jose)