MANILA, Philippines – Matinding kinuwestiyon ni Senador Erwin Tulfo ang electric distributor at generator kung bakit ipapasa sa consumer ang system loss ng kuryente na hindi naman kasalanan nila kasalanan at tila may pagpapabaya sa kampanya ng enerhiya.
Sa kanyang privilege speech kamakailan, sinabi ni Tulfo, chairman ng Senate committee on energy na nababawasan ang badyet ng bawat pamilyang Filipino para sa pagkain, ganot, edukasyon sanhi ng pagbabayad ng consumer sa system loss.
“Every peso added to the electricity bill is a peso taken away from a Filipino family’s take home pay,” ayon kay Tulfo.
Aniya, batid ng lahat na hindi sapat na magreklamo lamang laban sa mataas na singil sa kuryente kundi tungkulin ng lehislatura na kumilos upang maibsan ang paghihirap ng ating kababayan.
“Accordingly, this representation has filed three (3) complementary measures aimed at providing immediate and meaningful relief to Filipino consumers,” ayon kay Tulfo.
Unang ipinanukala ng senador ang Proposed Senate Resolution No. 537, na naglalayong imbestigahan ang kasalukuyang polisiya ng paniningil ng “System Loss Charge.”
“Ang Systems Loss ay binubuo ng “technical losses” na natural na nangyayari sa transmission at distribution ng kuryente, at “non-technical losses” dulot ng illegal connections, jumper, meter tampering, at pagnanakaw ng kuryente,” giit ng senador.
Aniya, maaaring may legal at teknikal na batayan ng system loss charge, ngunit isang bagay ang malinaw.
“HINDI NAMAN PO KASALANAN NG ORDINARYONG MAMAMAYAN ANG PAGKAWALA NG KURYENTE SA LINYA…BAKIT PO SIYA ANG MAGBABAYAD NITO?.” Ayon kay Tulfo.
Ikalawa, sunod ng senador, ang Senate Bill No. 2340, na nag-e-exempt sa System Loss Charge mula sa 12% Value-Added Tax o VAT para sa residential consumers.
“Sa ating kasalukuyang sistema, may systems loss na, may VAT pa na binabayaran tayo,” giit ng mambabatas.
“Binubuwisan po at kailangan daw nating bayaran ang nawalang kuryente na hindi naman po natin nagamit, Ginoong Pangulo,” paliwanag niya.
“Dobleng pasanin sa ating mga kababayan. Hanggang saan ba dapat ipasa sa consumers ang gastusing ito? “
Ikatlo, sinabi pa ni Tulfo na kanyang inihain ang Senate Bill No. 2339 na naglalayong tuluyang ipawalang-bisa na Energy Tax sa ilalim ng Batas Pambansa Bilang 36.
“When this law was passed in 1979, it sought to encourage energy conservation through an additional tax on high residential electricity consumption,” paliwanag ng senador.
Kaso, giit nitya, “Ginoong Pangulo, iba na po ang Pilipinas ngayon. Hindi na po luho ang kuryente, kundi pangunahing pangangailangan para sa pag-aaral, paghahanapbuhay, komunikasyon, pangangalagang pangkalusugan, at sa simpleng pamumuhay na may dangal at dignidad na bawat pamilyang Pilipino.”
“Ang bawat pisong matitipid sa electric bill ay maaaring maging dagdag sa pagkain, gamot, matrikula, at emergency fund ng isang pamilya,” aniya.
“Ayon mismo sa mga distribution utilities, ang system loss ay isang regulated pass-through charge, kung saan humigit-kumulang 5% ng karaniwang residential bill ay napupunta rito, habang mahigit sampung porsyento naman ay napupunta sa iba’t ibang buwis at government charges,” dagdag ng senador.
Giit ng senador na kung may kapangyarihan ang gobyerno na suriin ang mga lumang polisiya at alisin ang hindi na makatarungang pasanin, mayroon din tayong tungkulin para ibasura ito.
“If we are serious about easing the burden on our people, then we must have the courage to revisit policies that have long been accepted but may no longer be fair, Mr. President,” aniya. Ernie Reyes