MANILA, Philippines – Hindi pinatulan ni Senador Panfilo Lacson ang panawagan na magkaroon ng ceasefire sa paglalantad ng anomalya sa flood control projects partikular sa Taguig City, ang political bailiwick ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.
Ani Lacson nitong Huwebes, ang alok na “ceasefire” ng isang taong walang habas na umatake nang walang anumang dahilan ay isa lamang galaw-ipokrito upang muling makapag-ipon ng lakas para makapaghanda sa susunod na pailalim na galaw.
“CEASEFIRE MY FOOT! Anong uri ng tao ang magde-declare ng giyera, toy gun ang dala, at laway ang bala; pag na-confront ng bomba, magre-request ng ceasefire, pabulong pa?” aniya sa X.
Ang tila alok na tigil-alitan ay dumating matapos ilantad ni Lacson ang tinawag niyang “damning evidence” ng double billing at iba pang iregularidad kaugnay ng slope protection at iba pang mga proyekto sa Taguig City.
Matapos niyang maipasa, kasama ang kanyang team, ang mga ebidensiya sa Ombudsman, sinabi ni Lacson na ilalahad niya ang “delicious” na mga detalye ng mga anomalya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa mga flood control project.
Nauna nang sinabi ni Lacson na handa siyang ibuhos ang lahat upang ipagtanggol ang kanyang integridad matapos umanong lumampas sa hangganan si Cayetano nang magparinig ito na kuwestiyonable ang pagtaas ng kanyang net worth.
Iginiit ni Lacson na lumago ang kanyang yaman sa pamamagitan ng lehitimong negosyo sa loob ng tatlong taon na wala siya sa Senado. Idinagdag niyang ang integridad ang kanyang pinakamahalagang pag-aari, na minana niya sa kanyang mga magulang. Ernie Reyes