TUAO, Cagayan – Parang pelikula na magkasunod na sinalakay ng mga otoridad sa pangunguna ng PIU-PDEU ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO) ang bahay ng mag-amang suspek matapos masamsaman ng mga bala’t baril sa bahagi ng Purok 3, Alabiao, Tuao, Cagayan.
Armado ang raiding team ng search warrant na inisyu ni RTC Branch 11 Judge Edmar P. Castillo Sr. ng halughugin ang bahay ng father and son na sina Alyas Benny, 63 anyos at Rey, 34 anyos.
Unang hinalughog ang bahay ni Rey bandang alas sais ng gabi kung saan nasamsam ang tatlong bala ng caliber 9mm at isang kulay brown na sling bag. Pagkatapos ng mahigit dalawang oras naisakatuparan naman ang paghahalughog sa bahay ni Alyas Benny.
Nasamsam dito ang isang unit ng Shooter Arms special caliber 38, isang unit ng magnum 357 revolver at apat na bala, isang green holster, dalawang unit ng shotgun at labing tatlong bala nito, isang kulay asul na sling bag, isang kulay dilaw na sako at isang brown na foot sack.
Nahaharap ang mag-ama sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition. Rey Velasco