Home METRO ‘Batang Busog Malusog’ inilunsad sa Payatas

‘Batang Busog Malusog’ inilunsad sa Payatas

MANILA, Philippines- Opisyal na binuksan ang BBM – Batang Busog Malusog Nutrition Program, sa isang kick off event sa Raymundo Punongbayan Elementary School sa Payatas, Quezon City, sa pangunguna ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation (PAPA) Secretary Larry Gadon.

Mahigit 1,200 kinder at elementary na mag-aaral ang nabigyan ng masustansyang pagkain tulad ng oatmeal milk at ang dating Ferdinand Marcos Sr. inspired Nutribuns. 

Kaugnay nito, ang programang BBM Nutrition ay suportado SM Foundation na nagbibigay ng oatmeal at gatas, at ng OPAPA na nagbibigay ng mga nutribun. 

Umaasa si Gadon na ang gawaing ito ay magbibigay-inspirasyon at mag-uudyok sa iba pang pribadong kompanya na gamitin ang programa bilang bahagi ng kanilang corporate social responsibility.

“Ang batang busog at malusog ay handa sa mahusay na pag-aaral, ang edukasyon ay susi sa pag-angat sa kalagayan ng buhay,” wika ni Gadon.

“Si Presidente Bong Bong Marcos ay mahal ang mga kabataan at ang mataas na antas at kalidad ng edukasyon ay una sa adbokasiya ng kanyang administrasyon,” dagdag pa ng PAPA Secretary.

Tinatakan ng tanggapan ng PAPA at SM Foundation ang pakikipagtulungan sa contract signing noong Pebrero 18, kasama si Gadon na kumakatawan sa BBM Program at Senior Vice President Head of Marketing Joaquin San Agustin at Assistant Vice President for Outreach Program Cristina Angeles. 

Ang BBM Nutritional Program ay isang inisyatiba upang himukin ang mga negosyo at pribadong sektor na higit na makibahagi sa pagtulong sa pamahalaan upang maibsan ang gutom lalo na sa mga bata. Santi Celario

Previous article‘Permit’ sa pangingisda ng mga Pinoy sa Scarborough Shoal pinabulaanan ng PCG
Next articleHealth workers muling nangalampag: Benepisyo ibigay na!