MANILA, Philippines- Sinalubong ng protesta ng mga grupo ng health worker mula sa iba’t ibang pribadong hospital ang unang araw ng Marso dahil sa hindi parin mailabas na mga benepisyong HEA o Health Emergency Allowance.
Sinimulan ang motorcade convoy mula Espana Boulevard papuntang sa tanggapan ng DBM Central Office sa San Miguel, Manila.
Bitbit din ng protesters ang paulit-ulit nilang panawagan, pag-asa at kahilingan na nakasulat sa mga kapirasong papel na nakalagay sa kanilang mga motorsiklo, patungkol sa Health Emergency Allowance na matagal na nilang inaasam-asam mula pa panahon ng pandemya.
Ayon sa presidente ng grupo na si Ronald Ignacio, hindi naman mapaparalisa ang mga operasyon ng iba’t ibang mga ospital na kanilang pinaggalingan, dahil ang mga kalahok sa rally ay mga off-duty na medical worker.
Sinabi ni Ignacio na paulit-ulit silang mangangalampag hangga’t hindi nila nakakamit ang kanilang health emergency allowance.
Tumagal ng 10 minuto ang naging programa ng grupo sa harapang bahagi ng DBM San Miguel Manila at mapayapa din itong lumisan bitbit ang pag asa, habang nakaantabay naman sa seguridad at kapayaan ang mga tauhan ng Manila Police District. Jocelyn Tabangcura-Domenden