Home NATIONWIDE Bong Go sa mayors: Maglingkod nang tapat sa mamamayan

Bong Go sa mayors: Maglingkod nang tapat sa mamamayan

MANILA, Philippines- Sa isang makabuluhang pagtitipon ng mga lokal na pinuno sa buong bansa, inimbitahan si Senator Christopher “Bong” Go bilang isa sa mga tagapagsalita sa 2024 Fellowship Dinner at General Assembly ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) sa Marriott Hotel sa Pasay City noong Miyerkules.

Pinangunahan ni LMP National President at La Paz, Abra Mayor Joseph Sto. Niño “JB” Bernos, ang okasyon ay nagsisilbing plataporma para sa diyalogo at pagtutulungan ng municipal leaders ng bansa para pagyamanin ang pagkakaisa at epektibong pamamahala sa lokal na antas.

Sa kanyang talumpati, pinuri ni Go ang mahigit 1,000 alkalde na dumalo at binigyang-diin niya ang kanilang pangako na paglilingkuran ang mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng mabuting pamamahala.

“You are superstars in your own rights. Pinili kayo ng tao, minahal kayo ng tao kaya gano’n po ang respeto ko sa mga mayors. At matagal po akong nagtrabaho kay Mayor Duterte. Naiintindihan ko po ang trabaho ng isang mayor, isang local official,” ani Go.

Idiniin ni Go ang kahalagahan ng mga pagsisikap para sa inklusibong lokal na pag-unlad upang mapahusay ang paghahatid ng serbisyo-publiko kasabay ng pagtiyak na ang bawat komunidad ay makikinabang sa pag-unlad at walang Pilipinong maiiwan.

Bilang tagapangulo ng Senate committee on health and demography, pinagtibay rin ni Go ang kanyang pangako sa pagpapahusay ng pangangalagang pangkalusugan sa bansa, lalo sa grassroots.

Kaugnay nito, binanggit ni Go ang kahalagahan ng tatlong programang pangkalusugan na kanyang binibigyang-priyoridad: ang patuloy na operasyon ng Malasakit Centers, ang pagtatayo ng Super Health Centers, at ang pagtatayo ng mas maraming Regional Specialty Centers.

Anang senador, ang Malasakit Centers program, isang flagship program ay idinisenyo upang pabilisin ang pag-access sa tulong-medikal mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa isang lokasyon.

Ang inisyatibang ito ni Go noong 2018, ay napakahalaga para mabawasan ang mga burukratikong hadlang sa pag-access sa healthcare services.

Sa sama-sama namang pagsisikap ng Department of Health, LGUs at mga kapwa mambabatas, napondohan ang pagtatayo ng higit 700 Super Health Centers sa buong bansa. Ang SHC ay nagbibigay ng libreng konsultasyon, at maagang pagtuklas ng mga sakit sa malalayong komunidad na kadalasang kulang sa serbisyong pangkalusugan.

Binigyang-diin dinng senador ang kahalagahan ng Republic Act No. 11959, o ang Regional Specialty Centers Act, na pangunahin niyang itinaguyod at isa sa mga may-akda sa Senado. Layon naman nitong magbigay ng espesyal na serbisyong medikal sa maraming rehiyon.

Dahil sa kanyang mga inisyatiba, taos-pusong pinasalamatan ng mga alkalde si Sen. Go, tinaguriang “Mr. Malasakit”, sa kanyang patuloy na suporta at makabuluhang kontribusyon sa bawat komunidad.

Anang mayors, ang dedikasyon ni Go na unahin ang kapakanan ng mga Pilipino ay hindi lamang nagpapataas ng kalidad ng buhay sa mga komunidad, bagkus ay nagpapakita rin ng mabuting halimbawa ng mabisang pamumuno at pagtutulungan. RNT

Previous articleHealth workers muling nangalampag: Benepisyo ibigay na!
Next articlePagresponde sa forest fires paiigtingin ng PH gov’t