Home METRO Batang lalaki dedo, 2 pulis sugatan sa engkwentro sa Laguna

Batang lalaki dedo, 2 pulis sugatan sa engkwentro sa Laguna

290
0

LAGUNA, Philippines – Maagang binawian ng buhay ang isang apat na taong gulang na batang lalaki habang dalawang pulis ang sugatan sa isang engkwentro sa gitna ng pagsisilbi ng warrant of arrest sa Calamba City, nitong Miyerkoles.

Agad na binawian ng buhay ang batang lalaki sanhi ng tama bala ng baril sa katawan habang sugatan sina Police Chief Master Sergeant Alberto Plaza at Police Staff Sergeant John Principe, kapwa miyembro ng Calamba City Police Station.

Batay sa ulat ng Police Regional Office 4A, naganap ang insidente dakong alas-11 ng umaga sa Purok 5A, Barangay San Cristobal, Calamba City.

Ayon sa report, nagsasagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Warrant Section ng Calamba City Police Station laban sa provincial most wanted person na si Regie Anque Abarquez, residente rin ng nasabing barangay, na may warrant of arrest para sa kasong homicide na inisyu ng RTC Branch 103, Calamba City.

Habang papalapit ang mga operatiba sa bahay ng suspek, biglang sumulpot ang isang armadong lalaki, na pinaniniwalaang kasabwat ng akusado, at agad na pinaputukan ang mga pulis, dahilan upang gumanti ng putok ang mga ito.

Sa gitna ng palitan ng putok, tinamaan ng bala ang isang apat na taong gulang na bata na agad isinugod sa pagamutan ngunit idineklarang wala nang buhay pagdating sa ospital.

Nagpahayag naman ng pakikiramay si Police Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas, hepe ng PRO-4A (Calabarzon), sa pamilya ng nasawing bata at pinuri ang katapangan ng mga pulis na sangkot sa operasyon.

“Lubos naming ipinagdadalamhati ang pagkawala ng isang inosenteng buhay sa trahedyang ito. Ipinakita ng ating mga pulis ang hindi matatawarang tapang habang tapat na ginagampanan ang kanilang tungkulin,” ani Lucas.

Dagdag pa ng opisyal, magbibigay ng kabuuang tulong medikal at pinansyal ang pamunuan ng pulisya sa mga sugatang operatiba at sisiguraduhin ang hustisya para sa mga biktima ng insidente.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang hot pursuit operation ng pulisya laban sa mga suspek na nakatakas. /Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here