MANILA, Philippines – Tinuligsa ng Malakanyang si Vice President Sara Duterte ng patuloy na pagsusulong ng kanyang personal interests sa panahon nang kanyang panunungkulan bilang Kalihim ng Department of Education (DepEd).
Ang aksyon ni VP Sara ay hindi nakaayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi puwedeng sabihin ni VP Sara na ang liderato ni Pangulong Marcos ay ‘malabo’ at walang malinaw na direktiba dahil ang kanyang (VP Sara) desisyon sa tanggapan ay ‘prioritized self-interest’ kaysa national priorities.
“Hindi talaga niya malalaman ang direktiba ng Pangulo kung hindi siya marunong makinig at nagsasarili ng diskarte para sa pansariling interest,” ang winika ni Castro.
Nagpalabas ng kalatas ang Malakanyang matapos na sabihin ni VP Sara sa isang press briefing, nagpakawala ng kaliwa’t kanang kritisismo laban sa administrasyon kabilang na ang di umano’y unclear directives ni Pangulong Marcos.
Tinukod ni Castro ang di umano’y iregularidad sa ilalim ni DepEd leadership ni VP Sara, kabilang na ang “ghost students” scheme at pamamahagi ng bulok o inaamag na pagkain sa isang school feeding program.
“Hindi rin direktiba ng Pangulo ang ginawa noon ng DepEd sa pamumuno ng bise presidente na magdeliver ng bulok, may amag na pagkain sa mga estudyante sa feeding program,” ang sinabi ni Castro.
Kinuwestiyon din ni VP Sara ang pagpapahayag ng kumpiyansa ni Pangulong Marcos na hindi ito madadawit sa flood control anomalies, sabay sabing ‘premature’ ito para linisin ang kanyang sarililalo pa’t nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Si Castro, bilang tugon, nagpahayag na ang kumpiyansa ni Pangulong Marcos ay nag-ugat sa integridad.
“Magiging confident ang isang tao kapag alam niya na ang ginagawa niya ay para sa bayan at hindi pansarili lamang tulad ng iba dyan…’Yan ang ating Pangulo, matapang at taas noo sa mga sinasabi,” anito. (KRIS JOSE)