Home METRO Batang nawawala umalsa sa ilog

Batang nawawala umalsa sa ilog

Bulacan – Bangkay na nang matagpuan ang batang lalaki sa ilog na napaulat kamakailan sa social media na nawawala sa bayan ng San Miguel.

Kinilala ng pulisya ang kalunos-lunos na biktima na si Rodney o mas kilala sa palayaw na Juney, 10, residente ng Brgy. Tigpalas.

Sa report ng San Miguel police kay PLTCOL Jacquiline Puapo, OIC Bulacan police, nangyari ang insidente bandang 2:00 ng tanghali nitong Hunyo 13 sa ilog sakop ng Sitio Apalit, Brgy. Tigpalas.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon, naliligo ang biktima kasama ang dalawang batang kalaro nang mapadpad sa malalim na bahagi ng ilog hanggang sa lumubog at hindi na nakita.

Bandang 8:13 ng umaga nitong Hunyo 15, ilang residente ang nakakita sa isang namamagang bangkay na palutang-lutang at nakahambalang sa mga kawayan sa ilog ng Brgy. San Agustin na kalaunan ay kinilalang si Juney ng kaanak.

Sinasabing sa takot ng mga batang kalaro ay hindi agad nila nasabi sa pamilya ng biktima na nalunod ito kaya napaulat ito sa social media na nawawala.

Bumuhos ang pakikiramay ng mga netizen, kaanak at kakilala sa pamilya ng batang nasawi. Dick Mirasol III