MANILA, Philippines- Ito ang kinasapitan ni Bauan Batangas Mayor Ryanh Dolor matapos syang arestuhin ng pinagsanib na pwersa ng Office of the House Sergeant-at-arms, Airport Police, CIDG at Bureau of Immigration matapos na lumapag sa Ninoy Aquino International Airport.
Ang pag-aresto kay Dolor ay sa bisa ng detention order at kasong contempt na inihain laban sa kanya ng House of Representatives dahil sa ilang beses na hindi pagsipot sa House Inquiry in aid of legislation.
Ayon kay House Sergeant-at-Arms retired police Major General Napoleon Taas nakapiit na House Detention Facility si Dolor matapos itong arestuhin sa Arrival area sa NAIA Terminal 1.
Si Dolor, 45-anyos, ay lulan ng Philippine Airlines flight PR 113 mula sa Los Angeles, California, alas-11:34 ng gabi ng March 26, dumating ng bansa ang alkalde at sa pagitan ng alas-12:08 at alas-12:20 ng madaling araw nang maaresto ito ng mga awtoridad.
Pinatawan si Dolor ng paglabag sa Section 11, Paragraph A ng House Rules of Procedure, nabatid na March 17 nang lagdaan ang contempt order ng alkalde ni House Committee on Public Accounts chair Rep. Joseph Stephen Paduano.
Maliban kay Dolor, kasama rin sa pina-contempt ng Kamara ay ang mga opisyal ng Aquadata na sina Joseph Yu Jonathan Yu.
Una nang pinatawan ng contempt ng House Committee on Public Accounts si Dolor dahil sa hindi pagdalo sa pagdinig kaugnay sa privatization ng Bauan Waterworks System (BWS).
Ang travel order ni Dolor patungong US ay pirmado ni Batangas Gov. Hermilando Mandanas, mula Marso 11 hanggang 26 ang kanyang biyahe dahil sa medical reasons.
Kinuwestiyon ng mga mambabatas sa pangunguna ni Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores ang biyahe ni Dolor lalo at wala itong maipakitang medical records.
“Wala man lang medical records or anything like that to justify his absence,” ani Flores kung saan ang timing umano ng biyahe ng alkalde ay itinaon pa sa araw ng pagdinig.
Ang imbestigasyon ng Kamara ay kaugnay sa House Resolution (HR) No. 2148 na inakda ni La Union Rep. at House Deputy Majority Leader Paolo Ortega hinggil sa umano’y maling paggamit ng pondo at iregularidad sa transaksyon ng LGU sa Aquadata Inc.
Una nang sinabi ng Commission on Audit (COA) na ang kontrata ng LGU at Aquadata ay walang legal at financial basis.
Si Dolor ay mananatiling nakapiit sa Kamara hanggang sa hindi natatapos ang pagdinig ng panel ukol sa isyu. Gail Mendoza