Home NATIONWIDE Batas para sa internet voting kailangan – Pimentel

Batas para sa internet voting kailangan – Pimentel

MANILA, Philippines – Sinabi ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III na kinakailangan ng bagong batas bago maipatupad ng Commission on Elections (Comelec) ang internet voting para sa mga overseas Filipinos.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation nitong Martes, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na isasagawa ang online voting sa 75 bansa para sa midterm elections sa susunod na taon. Ngunit, kailangang muling magparehistro ang mga botante.

“Ang pag-aalala ko kailangan ng positibong aksyon mula sa nakarehistrong botante,” sabi ni Pimentel. “Baka yung one million (overseas voters) natin, Mr. Chairman, baka bumaba pa.”

“Kailangan natin ng batas para pahintulutan ito,” dagdag niya.

Ayon kay Garcia, mayroong 17 bansa ang hindi pinapayagan ang pagboto sa internet kabilang ang Russia, China, at Israel. Maaaring pumunta ang mga Pilipino sa mga embahada doon para bumoto.

Ang ikalawang round ng bidding para sa proyekto ay nakatakda sa Abril 2. RNT