MANILA, Philippines – Pinag-aaralan na ng Department of Justice (DOJ) kung kailangan ng amyendahan ang cyber libel law para mapigilan na ang pagkalat ng fake news.
Kasunod ito ng naging babala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa publiko laban sa disinformation campaigns sa gitna ng 2025 midterm elections.
Sinabi ni Sec. Jesus Crispin Remulla na binubusisi na nila ang lahat ng maaaring hakbang para labanan ang fake news kabilang na ang pagrekomenda ng mga pagbabago sa naturang batas.
Ayon sa DOJ, wala silang target date para tapusin ang pagrebyu sa kasalukuyang batas at polisiya.
“There’s no target date. It is a case to case basis. For every news morsel, there should be a study to look at how fake it is, and how we can prove it is fake news, and what penalties can be imposed on this actions,” anang kalihim.
Iginiit ni Remulla na walang sasantuhin ang gobyerno sa sinuman na magpapalaganap sa fake news.
Magugunita na sinabi rin ni Communications Secretary Jay Ruiz na pinag-aaralan na rin ng kanyang tangapan ang pagbuo ng regulatory body para sa social media. Layon nito na labanan ang mga disinformation campaign. TERESA TAVARES