MANILA, Philippines – MAHIGIT sa 8,000 residente na naninirahan sa loob ng six-kilometer radius ng summit ng Bulkang Kanlaon ang nananatili sa evacuation centers simula ng pumutok ang bulkan.
Sinasabing may kabuuang 8,596 katao o 2,686 pamilya ang inilikas.
Sinabi ni Office of Civil Defense (OCD) Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno na karamihan sa mga ito ay nananatili sa mga eskuwelahan dahilan para maapektuhan ang mga klase.
Aniya pa rin, maraming bakwit ang nakaramdam na ng pagkinip dahil napalayo sa kanilang pangkabuhayan at tahanan para sa halos tatlong buwan na ngayon.
“Nu’ng nag-ulat nga kami kay President Bongbong two weeks ago…ang paliwanag namin, kahit tumira naman po tayo sa 5-star hotel, kung tatlong buwan kayo nakatira do’n, talagang maiinip kayo at kumbaga mauumay. Eh lalo na kung evacuation centers,” ang sinabi ni Nepomuceno.
“Karamihan naman diyan sa 22 nating evacuation centers, karamihan diyan ay eskwelahan. Hindi naman ‘yan talaga itinayo bilang evacuation centers. Kaya mabigat talaga ang sitwasyon ng ating mga kababayan,” dagdag na wika nito.
Para kay Nepomuceno, ang mas malaking problema ay lulutang kung mas itataas pa ng PHIVOLCS ang alert level sa alert level 4 ang Kanlaon Volcano dahil libo-libong katao ang kailangang ilikas.
“Ibig sabihin from six kilometers, magiging 10 kilometers na ‘yung mga dapat ilikas. ‘Pag nangyari ho ‘yan…mahigit 90,000 ang dapat nating itakbo… Magiging total na po ‘yun,” ang sinabi pa ni Nepomuceno. Kris Jose