
NAGING ganap na batas na rin ang modernisasyon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa pamamagitan ng Republic Act No. 12180 na nilagdaan ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. matapos ang halos apat na dekada.
Layon ng bagong batas na mabigyan ang ahensya ng mga makabagong kagamitan, mataas na kasanayan ng mga tauhan, at mas maraming seismic stations upang mas epektibong matukoy at matunton ang mga lindol, pagputok ng bulkan, at iba pang seismic events, lalo na sa mga komunidad na nasa direktang panganib katulad ng Metro Manila na siyang sentro ng pamahalaang nasyunal at ekonomiya ng bansa.
Magkakaroon ng pagtatasa ng mga pamantayang operasyonal sa pamamagitan ng pagbili at pagpapaunlad ng makabagong mga instrumento, kagamitan, pasilidad, at mga sistema upang mapalakas ang kakayahan ng PHIVOLCS sa pagbibigay ng kritikal, napapanahon, tumpak, at maaasahang datos hinggil sa kalagayan ng mga bulkan at lindol, gayundin ng lokal na babala at impormasyon bilang suporta sa mga desisyon sa kahandaan sa panganib ng kalamidad, pag-angkop sa pagbabago ng klima, seguridad at pamamahala sa yamang-tubig, agrikultura, transportasyon, kalusugan, turismo, at iba pang sektor.
Papalalimin din ng batas na ito ang kakayahan ng bansa sa pananaliksik at pagpapaunlad sa pamamagitan ng sistematikong pamamaraan at integrasyon ng mga naunang nabuo nang mga metodolohiya upang mapabuti ang mga mahahalagang operasyon.
Kasama rin sa batas ang pagpapalawak ng mga monitoring stations para sa bulkan at lindol sa mga estratehikong lokasyon sa bansa, na may layuning mapalawak ang saklaw ng serbisyo hanggang sa mga kanayunan.
Nakasaad din sa batas ang pagtaas ng sahod at benepisyo ng mga empleyado ng PHIVOLCS upang mapalaganap ang propesyonalismo at dedikasyon sa kanilang serbisyo.
Ang mga pangunahing bahagi ng modernisasyon ay kinabibilangan ng:
– Pag-upgrade at maintenance ng pisikal na yaman at operasyonal na pamantayan;
– Pagpapaunlad ng Volcano Monitoring Network and Information System;
– Pagpapaunlad ng Earthquake Monitoring Network and Information System;
– Maaasahang monitoring at pagpapalakas ng Earthquake Monitoring Network para sa proteksyon o konserbasyon ng mga istrukturang itinayo.
Nakapaloob sa batas ang paglikha ng PHIVOLCS Modernization Fund na gagamitin para sa pagpapatupad ng mga programa sa modernisasyon ng ahensya. Itinalaga ng Kongreso ang halagang Php 7 billion sa ilalim ng General Appropriations Act, na hiwalay at bukod sa regular na pondo ng Department of Science and Technology.
Bago ang bagong batas, sa pamamagitan pa ng Executive Order No. 128 ni President Corazon Aquino naisaayos ang mandato ng PHIVOLCS.
Kinakaharap ng ahensya ang matinding June 16, 1990 Luzon earthquake at ang Mount Pinatubo eruption noong June 1991 na nasundan ng matinding lahar.
Mahalaga ang modernisasyon ng PHIVOLCS sa maraming kadahilanan, lalo na sa isang bansang tulad ng Pilipinas na madalas tamaan ng lindol, pagputok ng bulkan, at iba pang natural na sakuna dahil sa pagiging bahagi ng tinatawag na “Pacific Ring of Fire” kung saan aktibo ang mga bulkan at fault lines.
Ang modernisasyon ay hindi lamang tungkol sa teknolohiya, ito ay isang mahalagang hakbang tungo sa mas ligtas, mas handa, at mas matibay na bansa.