Home NATIONWIDE Mga residenteng nasa evacuation center sa aktibidad ng Kanlaon, makakaboto pa rin

Mga residenteng nasa evacuation center sa aktibidad ng Kanlaon, makakaboto pa rin

MANILA, Philippines – Makakaboto pa rin ang mga residente na nasa evacuation center hanggang sa ngayon sa Negros Island matapos maapektuhan ng aktibidad ng Bulkang Kanlaon, pagtitiyak ng Commission on Elections (Comelec).

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, ang botohan ay dadalhin mismo sa mga evacuation center sa La Carlota City at La Castellana.

Ginawa ni Garcia ang pahayag dahil sa pangamba na hindi makaboto ang mga residente dahil wala sila sa kani-kanilang barangay.

Sinabi ni Garcia na patunay lamang ito na anumang sitwasyon o kalagayan ng ating mga kababayan ay walang maiiwan sa darating na midterm elections.

Ikinatuwa nama ni Garcia ang interes ng mga evacuees na matutunan ang pagboto sa pamamagitan ng makina sa ginanap na demonstration ng mga automated counting machines at voter education sa La Carlota Evacuation center. Jocelyn Tabangcura-Domenden