Home NATIONWIDE Rubber gate ng Bustos Dam nawasak, mga residenteng nasa tabing-ilog inalerto

Rubber gate ng Bustos Dam nawasak, mga residenteng nasa tabing-ilog inalerto

Bulacan – Inabisuhan ng mga awtoridad ang publiko o mga residenteng nasa tabing-ilog at mababang lugar na agarang pumunta sa mataas na lugar matapos masira ang isa sa mga rubber gate ng Bustos Dam.

Ayon sa Facebook post ni Bustos Mayor, Francis Albert “Iskul” Juan, bandang 2:00 ng hapon nitong Mayo 1, pinaalalahanan niya ang lahat ng nasa tabing ilog na pumunta sa mataas na lugar dahil nasira ang isang rubber gate ng dam.

Tinukoy ng alkalde ang mga nakatira sa tabing-ilog ng Brgy. Tanawan, Brgy. San Pedro, Brgy. Poblacion, Brgy. Talampas at Brgy. Cambaog na pumunta sa mataas na lugar.

Agad na pinaalalahanan din ng Pamahalaang Baliwag ang kanilang residente na nasa Tabing -ilog na maging mapagmatyag sa lebel ng tubig, huwag manatili sa ilog, makinig sa opisyal na abiso ng mga CDRRMO at ihanda ang mga emergency go bags kung kinakinakailangan ang agarang paglikas.

Ang Baliwag CDRMMO ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa NIA at iba pang ahensiya upang mabantayan ang sitwasyon.

Nabatid na posible ang pagtaas ng tubig sa mga ilog na maaring magdulot ng panganib sa mga komunidad na malapit dito.

Kaugnay nito, nauna nang lumusob bandang 11:32 ng umaga sa kaparehong petsa ang dambuhalang high tide na may taas na 4.6 feet na posibleng magpalalim pa ng baha sa mga mababang lugar sa pagkasira ng rubber gate ng naturang dam.

Sinusulat ito, hinimok ng mga awtoridad ang mga residente na posibleng maapektuhan na makinig sa abiso at makipatulungan sa inyong mga barangay at ng pamahalaan. Dick Mirasol III