MANILA, Philippines – HINIKAYAT ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Professional Regulation Commission and the Continuing Professional Development (CPD) Council na pag-aralan ang regulasyon nito para makatulong na mapagaan ang pahirap sa ‘professionals at practitioners’
Sa naging talumpati ng Pangulo sa 123rd Labor Day celebration, kinilala ni Pangulong Marcos ang hirap na nararanasan ng mga professionals sa proseso ng pagre-renew ng kanilang lisensiya.
”Ngunit, hindi po kaila sa akin ang hirap na inyong pinagdaraanan upang makapag-renew ng inyong mga ID. Marami sa inyo ang dumaraing sa hirap at gastos sa pagkuha ng training na kailangan para sa inyong license renewal,” ang sinabi ng Pangulo.
”Kaya ang panawagan ko sa PRC at sa Continuing Professional Development Council, bisitahin natin ang ating mga panuntunan. Tingnan natin kung nararapat ang ating mga training na ginagawa,” dagdag na pahayag ng Pangulo.
Ang CPD ay isang requirement para sa lahat ng ‘licensed at registered professionals’ bago pa nila ma-renew ang kanilang Professional Identification Cards na ipinalabas ng PRC, ayon sa Presidential Communications Office.
Layon ng CPD Act of 2016 na patuloy na paghusayin ang kakayahan at kagalingan ng mga Filipino professionals sa pamamagitan ng pagsasanay, seminars, at workshops na i-renew ang kanilang lisensiya. Kris Jose