MANILA, Philippines – HINDI na kailangan na magpasa pa ng batas para ipagbawal ang Philippine offshore gaming, internet gaming, at iba pang offshore gaming operations sa bansa.
Sa isang chance interview kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa sidelines ng isang event sa Parañaque City, sinabi ng Chief Executive na “sapat na” ang pagpapalabas ng executive order (EO), pagpapataw ng agarang pagbabawal sa Philippine offshore gaming operators (POGOs), internet gaming licensees (IGLs), at iba pang offshore gaming licensees.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na ang mga casino o integrated resorts na ino-operate ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ay hindi makapago-oprate ng offshore gaming.
Nagbigay ng katiyakan ang Pangulo sabay paggigiit na ang mga ito ay “not under the authority of PAGCOR.”
“There is just no way because it’s the nature of the operation that we are banning. It’s not because it’s under PAGCOR or not. Basta’t sinabing – basta’t POGO ‘yan, basta’t ganyan ang lisensya nila , it’s banned,” anito.
Sa ulat, pinuna kasi ni Senadora Risa Hontiveros ang ilang umano’y mga butas sa EO ni Pangulong Marcos laban sa POGO ops.
Ang mga ‘napunang butas’ ng senador sa EO ay ‘mga butas’ na nagbibigay pagkakataon sa mga POGOs na makapagpatuloy ng operasyon sa loob ng mga casino at freeports.
Sinabi ni Hontiveros na hindi kasi hayagang idineklara ng Executive Order No. 74, na pirmado ni Pangulong Marcos Jr. noong Nobyembre 5, ang ban sa mga POGO na sakop ang lahat ng mga establisyimento na wala sa ilalim ng pangangasiwa ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor). Kris Jose