Home HOME BANNER STORY Digong, Panelo susugod sa Kamara sa kabila ng pagkansela ng QuadComm hearing

Digong, Panelo susugod sa Kamara sa kabila ng pagkansela ng QuadComm hearing

MANILA, Philippines – TINIYAK ni dating presidential legal counsel Salvador Panelo na tuloy ang pagpunta nila ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte, araw ng Miyerkules, Nobyembre 13 sa Batasang Pambansa.

Kokomprontahin ni dating Pangulong Duterte ang mga miyembro ng Quad Committee dahil sa ginawang pagkansela ng mga ito ng 10am scheduled hearing ukol sa war on drugs ng nakalipas na administrasyon.

“PRRD and I will go to Batasang Pambansa tomorrow at 10 a.m. and confront the Quad Committee members why after demanding his presence and accepting their invitation and coming here last night, they will just cancel it without prior notice,” ang sinabi ni Panelo.

Hindi palalampasin ni Digong Duterte ang pagkakataon na maharap ang mga miyembro ng House quad-committee na nag-iimbestiga sa madugong war on drugs at uriratin ukol sa kanselasyon ng scheduled hearing matapos niyang (Digong Durete) na tanggapin ang imbitasyon ng komite.

Sa katunayan, hahamunin pa ng dating Pangulo ang quad-comm members ng isang “marathon hearing.”“He will ask them to schedule a marathon hearing of ten days,” ang sinabi ni Panelo.

Araw ng Lunes, tinanggap ni dating Pangulong Duterte ang imbitasyon na dumalo sa pang- 11 pagdinig ng quad-committee na naka-iskedyul, araw ng Miyerkules, Nobyembre 13.

Subalit makikita sa website ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na ang House committees on dangerous drugs, public accounts, public order and safety, and human rights na ang itinakdang pagdinig para sa nasabing araw ay kanselado.

Ito ang kauina-unahang pagkakataon na dadalo si Digong Duterte sa House quad-comm’s hearing hinggil sa di umano’y extrajudicial killings sa panahon ng kanyang termino na may kinalaman sa ‘war on drugs campaign.’

Matatandaang, hindi dumating si Digong Duterte sa pang-10 pagdinig ng komite noong Nov. 7 matapos kuwestiyunin ang integridad ng ilang mambabatas.

Noong nakaraang buwan, sa halip ay dumalo ang dating Pangulo sa kahalintulad na pagdinig sa Senado. Kris Jose