MANILA, Philippines – Umalis ng Pilipinas at nahuli sa California ang retiradong Police Colonel na si Royina Garma, ayon sa Department of Justice (DOJ) nitong Martes.
Sa pagbanggit ng mga ulat mula sa Philippine National Police at Department of the Interior and Local Government, sinabi ni Justice spokesperson Mico Clavano na si Garma at isa pang indibidwal ay inaresto at ikinulong sa San Francisco noong Nobyembre 7.
Sinabi ni Clavano na inutusan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla si Immigration Commissioner Joel Viado na padaliin ang kanyang pagbabalik sa Pilipinas.
“We are committed to seeing justice served in every case and to upholding the integrity of our justice system, especially when it involves our country’s significant issues and concerns,” ani Remulla.
“While we work to ensure the safe return of Ms. Garma, we trust that she will remain cooperative with all ongoing investigations,” dagdag pa niya.
Matatandaang si Garma ang nagdawit kay Rodrigo Duterte sa pagsisiyasat ng House quad committee, na nagpapahayag na ang dating pangulo ay nag-alok umano ng cash reward para sa bawat drug suspect na napatay sa madugong war on drugs. RNT