MANILA, Philippines – Binatikos ni Manila Rep. Bienvenido Abante si Sen Ronald “Barto” dela Rosa sa patuloy na pag-isnab nito sa isinasagawang imbestigasyon ng House Quad Committee.
Ayon kay Abante, patuloy na nagtatago sa media si dela Rosa.
“Ang ating senador Bato dela Rosa, nung tinanong siya, ayaw naman niyang humarap sa amin. Pinapaharap namin para maging malinaw ang lahat ng bagay. Anong ginagawa niya? Nagpupunta sa media. Kung anu-ano ang pinagsasabi niya,” pahayag ni Abante.
Giit ni Abante, hindi politically motivated ang imbestigasyon ng komite bagkus ay para sa accountability.
“Kung meron man ditong nagsasabi na we’re gathered here because of politics, gusto naming humarap siya dito para sabihin sa amin directly,” paliwanag nito.
Tiniyak ng mambabatas na magpapatuloy ang komite sa paghanap sa katotohanan sa kabila ng ilang balakid na kanilang kinahaharap sa imbestigasyon.
“We wield this power not for personal gain, but for our people. And we will not stop until the evildoers who have plagued our country are unmasked,” pagtatapos pa nito. Gail Mendoza