MANILA, Philippines – Umani ng kaliwa’t-kanan ng pagbatikos si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa paglabag sa Anti-Discrimination Law nang insultuhin ng mambabatas ang “tabinging-mukha” ni Akbayan Partylist Representative Perci Cendaña.
Kumalat sa social media ang opensibang pahayag ni Dela Rosa laban kay Cendana na kanyang susuntukin sa mukha, isa sa unang endorser ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, upang pumantay ang tabinging mukha nito.
Ngunit, kahit nasaktan sa banta ni Dela Rosa, ipinaliwanag ni Cendana na tumabingi ang kanyang mukha dulot ng stroke na kanyang nalampasan.
Bukod kay Dela Rosa, sumakay din sa masasakit na pahayag si Davao City Rep. Paolo “Polong” Duterte sa pagbatikos kay Cendana hinggil sa pag-endorso nito sa impeachment laban sa bise president.
“‘TABINGI ANG MUKHA’ ko dahil ang ‘BAKLANG NGIWI’ na ito ay stroke survivor. Yakap na mahigpit sa mga kapwa ko stroke survivor,” ayon sa mambabatas sa kanyang Facebook post.
Binatikos din ni Cendana si Dela Rosa na hinamon nitong maging matapang na labanan ang agresibong panghihimasok ng China sa West Philippine Sea, at harapin ang International Criminal Court (ICC), na nag-iimbestiga sa war on drugs ng Duterte administration.
Si Dela Rosa ang nagsilbing hepe ng Philippine National Police (PNP) na nagpatupad ng Kontrobersiyal na drug war na nagsasabing hihingi ito ng tulong sa Supreme Court kapag itinuloy ng ICC ang imbestigasyon sa Pilipinas.
Pagkatapos umani ng matitinding pagbatikos sa social media na nalagay sa alanganin ang kanyang kandidatura na makabalik sa Senado pagkatapos ng kasalukuyang termino, nilulon ni Dela Rosa ang “pride at sariling tapat” na humingi ng paumanhin kay Cendana.
Sa pahayag, sinabi ni Dela Rosa, mahigpit na kaalyado ng pamilya Duterte na humihingi siya ng tawad kay Cendana sa “offensive comments” na aakuin ang responsibilidad sa kanyang pananalita.
“The past few days have weighed heavily on Filipinos, especially sa aming mga Mindanaoans at ibang Cebuano speaking people. Maraming nagalit, at dahil sa nag-empathize ako sa galit nila, nakapagbitiw ako ng mga salitang hindi maganda at nakapanakit ng damdamin ng iba,” ayon sa senador.
“I apologize for what I said and did, particularly in failing to see the bigger picture. My apologies to Congressman Perci Cendana for my offensive comments on his person. I wish him good health. I make no excuses and I take full responsibility for the hurt my words have caused,” dagdag niya.
Kasunod nito, malugod na tinanggap ni Cendana ang paumanhin ni Dela Rosa at umaasang gagawin din nito sa lahat ng stroke survivors na lubhang nasaktan sa kanyang masasakit na pananalita.
“Hindi tayo balat sibuyas, pero ibang usapan when a public servant of such high position uses his voice to threaten people with violence and discriminate against people with health concerns,” ayon sa kongresista.
“Nawa’y magsilbi itong mahalagang aral, na ang tunay na lider ay hindi lamang may kapangyarihan kundi may malasakit, to keep our political discourse rationale and humane, at ang panawagan ng pananagutan ay hindi personal na atake kanino man kundi responsibilidad ng lahat ng mamamayan,” giit pa niya laban sa namemersonal na pahayag ni Dela Rosa.
Nanguna ni Cendana sa pag-endorso ng unang impeachment complaint na inihain ng civil society organization, religious leaders, sectoral representatives, at pamilya ng biktima ng extrajudicial killings laban kay Duterte noong December 2, 2024.
Umusbong ang reklamo sa paglabag ni Duterte sa Saligang Batas, graft and corruption, bribery, betrayal of public trust, at iba pang high crimes.
Lumagda ang 215 kongresista na nag-endorso sa ika-apat na impeachment complaint laban kay Duterte. Dumagdag pa dito ang 25 miyembro ng Kamara na lumagda din sa impeachment complaint laban kay Duterte.
Naisumite na sa Senado ang impeachment complaint laban kay Duterte pero nagbakasyon ang Mataas na Kapulungan nang hindi tinalakay ang isyu kaya’t maaaring ituloy ang proseso pagkatapos ng May 12 elections. Ernie Reyes