Home NATIONWIDE Bato tiwala kay PBBM vs pagpapasok ng ICC probers sa drug war

Bato tiwala kay PBBM vs pagpapasok ng ICC probers sa drug war

MANILA, Philippines- Pinanghahawakan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang pangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi papapasukin ang International Criminal Court’s (ICC) investigators sa Pilipinas upang simulan ang imbestigasyon sa drug war.

Sa virtual interview ng reporters, sinabi ni Dela Rosa na nangako ang Pangulo sa ginanap na hapunan na pinangunahan para sa senador sa Palasyo noong Nobyembre 28, 2023.

“Naniniwala ako sa Pangulo. Buo ang tiwala ko sa kanya sa sinabi niya sa akin about the ICC until now. Buong buo pa rin ang aking paniniwala sa kanya na hindi niya papapasukin ang ICC,” ayon kay Dela Rosa.

Isinagawa ni Dela Rosa ang pahayag sa gitna ng impormasyon na nakapasok na sa Pilipinas ang ICC probers na nagsimula nang mag-imbestiga sa drug war ng nakaraang administrasyon.

Itinuturing si Dela Rosa bilang “number two accused” sa imbestigasyon bilang dating hepe ng Philippine National Police nang ipatupad ni dating Pangulong Duterte ang drug war.

Aniya, kanyang susuruiin at kukuha ng impormasyon kung talagang nakapasok na sa Pilipinas ang ICC probers.

“If, indeed, totoo ‘yan na in-authorize ng gobyerno natin ‘yung pagpasok, and indeed totoo ‘yan na nakapasok na sila and if, indeed, ‘yung pagpasok nila ay sanctioned by this government, authorized by this government, kaya nga masasabi ko na laban bawi ang gobyernong ito kapag ganon ang mangyari,” giit ni Dela Rosa.

“Kung hindi man, well, talagang masasabi ko na solid as a rock ‘yung assurance na binigay sa akin ng Pangulo nu’ng kami ay nag-dinner doon sa Malacañang. Solid as a rock,” dagdag niya.

Sakaling mapatunayan nitong hindi awtorisado ng administrasyon ang pagpasok ng ICC probers, kanyang hihilingin sa Department of Justice na patalsikin sila kaagad.

“I will ask the DOJ you do the right thing. That’s sobrang encroachment ‘yan sa ating sovereignty. Hindi sila in-authorize ng gobyerno natin then nandito sila nag-conduct ng investigation e para na tayong ginagago ng mga tao na ‘yan. They should be declared as undesirable aliens by the Bureau of Immigration at once. Right away, i-declare sila,” aniya. Ernie Reyes

Previous articleMMDA nagsagawa ng clearing ops para sa Traslacion
Next articleSC nagtalaga ng karagdagang korte na aalalay sa Taguig City courts