MANILA, Philippines- Nakipagtulungan ang Commission on Elections (Comelec) sa Bureau of Internal Revenue (BIR) upang masubaybayan ang gastos at pagbabayad ng buwis ng celebrities at social media influencers na kinuha para sa election endorsements.
Ipinaliwanag ni Comelec Chairman George Garcia na nais nilang paigtingin ang relasyon sa BIR upang walang makaiwas sa pagbabayad ng tax lalo na ang SOCE.
Aniya, kailangang makipag-ugnayan sa ahensya kaugnay sa pagbabantay sa statements of contribution and expenses (SOCE) ng mga kandidato at political parties lalo na sa pagbabayad sa celebrities at influencers na nag-endorso sa kanila para sa Eleksyon 2025.
Sa MOA sa pagitan ng Comelec at BIR, sinabi ni Garcia na magkakaroon ng mas mahusay na pagsubaybay sa mga SOCE at posibleng tax evasion.
Kakasuhan ng administrative offense at magbabayad ng multa mula P1,000 hanggang P30,000 ang mga kandidatong hindi mahahain ng SOCE sa pagpapasya ng poll body na may exemption sa aspirants sa barangay level.
Idaraos ang midterm elections sa Pilipinas sa May 12,2025. Jocelyn Tabangcura-Domenden