Home HOME BANNER STORY VP Sara: PBBM dapat managot sa pagkakaaresto kay FPRRD

VP Sara: PBBM dapat managot sa pagkakaaresto kay FPRRD

MANILA, Philippines- Iginiit ni Vice-President Sara Duterte na dapat na papanagutin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa sinasabing pagpayag ng huli na arestuhin ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na sa kalaunan ay inilipat sa International Criminal Court (ICC).

Sa isang panayam, sinabi ni VP Sara na naniniwala siya na ang mas mataas na opisyal kaysa kina Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla, Interior Secretary Jonvic Remulla, Philippine National Police chief Police General Rommel Marbil, at CIDG chief Police Major General Nicolas Torre III ay dapat lamang na papanagutin sa nangyari sa kanyang ama.

“Dapat talaga managot ang Pangulo ng Pilipinas because he allowed foreign entity, foreign organization to interfere with our national sovereignty,” ang sinabi ni VP Sara.

“Hindi naman mangyayari lahat ‘yun kung walang approval ng Pangulo. ‘Yung tinatawag natin na rendition o ‘yung pag-kidnap o pagkuha ng isang citizen sa loob ng bayan niya at dalhin siya sa isang foreign jurisdiction para ipakulong doon, hindi mangyayari ‘yan kung walang approval ng President,” dagdag niya.

Sa ilalim ng batas ng Pilipinas, ang Pangulo ay ‘immune’ mula sa anumang kaso, asunto at demanda sa panahon ng kanyang panunungkulan.

Kamakailan ay isinumite na ni Senator Imee Marcos sa Office of the Ombudsman ang chairman’s report ng Senate Committee on Foreign Relations.

May kaugnayan ito sa pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na dinala sa the Hague dahil sa kasong crime against humanity.

Sa sulat nito kay Ombudsman Samuel Martires, inihayag ni committee chairperson Imee Marcos na sa pagdinig ay naisiwalat ang ginawa ng mga matataas na opisyal ng gobyerno.

Ang mga hakbang ng matataas na opisyal ng gobyerno ay maaaring maharap ang mga ito sa criminal at administrative cases.

Ilan sa mga opisyal na nais ng senadora na imbestigahan ng Ombudsman ay sina Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla, Interior Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla, PNP chief Police Gen. Rommel Marbil, CIDG chief Police Gen. Nicolas Torre III, at Special Envoy for Transnational Crimes Markus Lacanilao.

Naniniwala rin ang senador na ang Ombudsman ay walang takot at wala rin itong pinapanigan at kanilang kakasuhan ang mga dapat na kasuhan.

Para naman kay VP Sara, hindi naman kikilos ang mga opisyal ng gobyerno para arestuhin ang kanyang ama kung walang kumpas at utos mula kay Pangulong Marcos.

“Malabo na gumalaw ang mga departments ng kanya kanya lang unless incapacitated na talaga ‘yung President natin na hindi na talaga din niya alam kung anong nangyayari sa bayan,”ang sinabi ni VP Sara. Kris Jose