MANILA, Philippines – Mahigpit na binabantayan ng mga miyembro ng Cagayan PPO ang bayan ng Rizal na nasa red category at Enrile naman ay nasa orange category sa probinsya ng Cagayan.
Bagaman nahaharap pa rin sa blank wall ang pulisya sa nangyaring pagpaslang kay Rizal, Cagayan Mayor Joel Ruma na re-electionist noong Abril 23, tiniyak ng pamunuan ng Cagayan PPO na kontrolado nila ang sitwasyon sa lugar sa tulong na rin ng Philippine Army.
Ayon kay PCapt. Shiela Joy Fronda, tagapagsalita ng Cagayan PPO, nagpapatuloy ang malaliman at malawakang imbestigasyon para mabigyang hustisya ang pagkamatay ni Ruma at mapanagot ang mga responsable sa krimen.
Samantala, naidagdag na hamon sa kakayahan ng pulis-Cagayan ang pagresolba rin sa nangyaring pamamaril at pagpatay noong Biyernes ng hapon kay Punong Barangay Bernardo “Ating” Gacuan ng Barangay 2, Enrile.
Bukol ito sa pulisya kung saan humabol ang krimen tatlong araw bagong ang election day ngayong Lunes.
Sa ngayon ay nasa full alert status ang pulisya para sa National and Local midterm election 2025 ngayon araw ng Lunes. REY VELASCO