Home METRO Lalaking naglalaro ng bilyar, binaril-patay

Lalaking naglalaro ng bilyar, binaril-patay

ILOCOS SUR- DUGUAN bumulagta ang isang lalaki na driver-bodyguard ng mayoral candidate matapos barilin ng hindi pa kilalang suspek habang ang una ay naglalaro ng bilyar, sa bayan ng Banayoyo.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Marvin A. Singaben, 49, residente ng Barangay Poblacion, Banayoyo at driver-bodyguard ni Banayoyo mayoral candidate Councilor Alex Galanga.

Batay sa report ng Banayoyo Municipal Police station, naganap ang krimen noong Sabado, Mayo 10, 2025 sa isang bilyaran sa Sitio Greenhills, Barangay Elepante, Banayoyo, Ilocos Sur.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, naglalaro ang biktima ng bilyar kasama ang isang Sony Gacutan ng dumating ang mga suspek na sakay ng motorsiklo.

Dito, bumunot ng .45 kalibre na baril ang isa sa mga suspek at pinagbabaril ang biktima na tinamaan sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng kamatayan nito.

Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang mga suspek at nag-iwan ng limang basyo ng .45 kalibre na baril na ginamit sa krimen.

Inilarawan ng pulisya ang driver na nakasuot ng itim na jacket, mahabang shorts at sombrero habang ang sakay na siyang gunman ay nakasuot ng kulay brown na T-shirt, shorts, at itim na sombrero.

Nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya para alamin ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek para agaran pagdakip. Mary Anne Sapico