MANILA, Philippines — Inihain ni Sen. Loren Legarda ang panukalang “Bayanihan 3: Power to the People Act” na layong palakasin ang tugon ng pamahalaan sa krisis sa enerhiya, kabilang ang pansamantalang regulasyon sa industriya ng langis.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2020, bibigyan ng kapangyarihan ang Department of Energy (DOE), katuwang ang iba pang ahensya, na kontrolin at pamahalaan ang oil industry sa panahon ng krisis.
Kabilang sa mga hakbang ang:
Pagpapatupad ng price control sa langis
Pag-aayos ng distribution margins
Reallocation ng energy supply
Pagpapanatili ng sapat na fuel stockpile
Pinapayagan din ang emergency procurement para sa fuel supply, renewable energy systems, at iba pang imprastraktura na makatutulong sa energy security.
May nakalaan ding social aid, gaya ng fuel subsidies para sa transport at agrikultura, at tulong sa mga OFW na maaapektuhan ng krisis sa Middle East.
Ayon kay Legarda, bagama’t idineklara na ang national energy emergency sa ilalim ng Executive Order No. 110, kulang pa ito sa konkretong proteksyon sa presyo at agarang benepisyo sa publiko.
Samantala, inaasahan ding may kaparehong panukala mula sa Kamara bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis. RNT/JGC