MANILA, Philippines- Matinding kinontra ni Senador Imee Marcos si Pangulong Bongbong Marcos sa paglikha ng National Maritime Council (NMC) na maghahawan sa “dangerous path” patungo sa sigalot sa West Philippine Sea.
Nilikha ang NMC sa pamamagitan ng Executive Order 57, na may titulong “Strengthening the Philippines’ Maritime Security and Maritime Domain Awareness” at ipinalabas matapos mangako si Marcos na magpapatupad ng mahigpit na counter measures laban sa panggigipit at panghihimasok ng China sa West Philippine Sea.
“Emotion rather than reason has prevailed in our maritime conflict with China and is leading us down a dangerous path that will cost us more than just Filipino pride,” ayon kay Sen. Marcos, chairman ng Senate Committee on Foreign Relations.
Nagbabala si Sen. Marcos laban sa mabilisang pagkilos at paghahanap ng sigalot sa isyu sa pagitan ng China, at sa halip ay dapat umanong isulong ng bansa ang pakakaunawaan.
Ganito ang reaksyon ng senador bilang pagkontra sa pagpapalabas ng EO 57, na tugon ng Palasyo laban sa patuloy na pambu-bully ng China sa mangangisdang Filipino at tauhan ng Coast Guard sa West Philippine Sea.
Binago at muling inorganisa ng EO57 ang National Coast Watch System (NCWS) bilang NMC, na may tungkulin bilang central body sa pagbubuo ng patakaran at estratehiya upang matiyak ang nagkakaisa, koordinado at epektibong pamamahala sa framework para sa maritime security at domain awareness ng bansa.
Inatasan ng EO ang NMC na tumanggap ng donasyon, kontribusyon, grants at request o regalo mula sa domestic at dayuhang panggagalingan na may kaugnayan sa mandato at tungkulin nito.
Dati nang tumanggap ng tulong-militar ang Pilipinas mula sa United States, United Kingdom, Australia, Japan, Russia at China.
Sa naturang pahayag, sinabi ng mambabatas na dapat hanapin ng Pilipinas ang solusyon sa kapayapaan upang maging tunay na kaalyado ang naghahabol.
“Even declarations of support lack credibility where a rules-based international order is loudly invoked amid the mute refusal to ratify the UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Sea),” aniya.
Nitong Lunes, naghain ng Senate Resolution No. 980 si Senate Majority Leader Joel Villanueva na matinding kumokondena sa China Coast Guard at Chinese Maritime Militia laban sa “unprovoked aggression, continued harassment, and illegal and dangerous actions in the West Philippine Sea.”
“Resolution No. 980 also expresses the chamber’s support to the Executive branch of the Philippine government to exert all legal and diplomatic countermeasures against the People’s Republic of China in asserting and securing the Philippines’ sovereign rights in the West Philippine Sea,” ayon kay Villanueva.
Sinabi pa ni Villanueva na nananawagan ang resolusyon sa Department of Foreign Affairs, Department of National Defense at iba pang agencies “to exhaust and pursue all the necessary mechanisms” and to seek diplomatic solutions to end Chinese activities in the West Philippine Sea, protect Philippine interests and ensure peace and stability in the region.” Ernie Reyes