Home METRO 1.3M bata target bakunahan kontra tigdas

1.3M bata target bakunahan kontra tigdas

MANILA, Philippines- Sinimulan nang magbakuna ang Philippine Red Cross (PRC) sa mga bata sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Kasunod ito ng pagdedeklara ng measles outbreak sa rehiyon na pumatay na sa tatlong bata sa unang quarter ng taong ito.

Target na mabakunahan sa BARMM ang 1.3 milyong bata na  edad 6 na buwan hanggang 10 taong gulang.

Sa ngayon ay nasa 128 bata na ang nabakunahan partikular sa Jolo laban sa sakit na tigdas sa binuong Measles Mitigation Corps.

Sa nasabing programa, nagtalaga ng apat na vaccinator at 16 support volunteers o mga lider na naghahanap ng mga bata na babakunahan, at health promoter para magpaliwanag ng bakuna at recorder para sa pagtatala ng mga nabakunahan.

Nag-deploy din ng mga “bakunador” sa buong rehiyon ang mga lokal na pamahalaan sa paglulunsad ng immunization campaign sa 116 bayan nitong Abril 1 na matatapos sa Abril 12.

Nanawagan naman ang PRC sa rehiyon na dapat bakunahan ang lahat ng bata sa BARMM simula sa nabanggit na mga edad.

Sa susunod na mga araw, magbabakuna na rin ang PRC sa Lanao Del Sur, Cotabato, Maguindanao, Basilan at Tawi Tawi.

Samantala, sinabi naman ni BARMM Deputy Minister for Health Dr.Zul Qarneyn Abas na ang prayoridfad sa pagbabakuna ay mga probinsya ng Maguindanao del Norte at Lanao del Sur at Marawi City kung saan ang insidente ng tigdas ay naitala.

“There is a critical need to reach and vaccinate the children missed during routine vaccinations,” ani Abas sa joint statement ng BARMM Ministry of Health (MOH), Department of Health at  ng United Nations Children’s Fund (Unicef).

“We have to make sure that no child is left behind in the BARMM. We have the support of many stakeholders, now it is up to us to lead in this fight against this deadly disease,” dagdag ni Abas.

Ayon naman sa Unicef, ang mga kaso ng tigdas sa BARMM ay bumubuo sa 77 porsyento ng mga kumpirmadong kaso sa bansa.

Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, walang partikular na gamot para sa virus na nagdudulot ng tigdas. Gayunman, mapoprotektahan ang mga indibidwal sa pamamagitan ng bakuna. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleLalamove rider na nagpanggap na miyembro ng MTPB kalaboso
Next articleBBM kinontra ni Imee sa paglikha ng maritime council vs Chinese aggression