ITINANGGI ng Office of the Vice President (OVP) ang ulat na mas pinili ni Vice President Sara Duterte na magpunta sa beach sa halip na dumalo sa House plenary debates para sa 2025 budget ng kanyang tanggapan.
Sa isang kalatas, sinabi ng OVP na layon lamang ng report na siraan si VP Sara.
“The public is cautioned about the attempts of some media outlets to once again besmirch the reputation of the Vice President by publishing stories that she is on the beach while the House of Representatives is conducting the plenary deliberations on the budget,” ayon sa OVP.
Ang paliwanag ng OVP, humihinto si VP Sara sa ilang bahagi ng Camarines Norte Albay para kausapin ang mga tao ukol sa bansa.
“The Vice President was on the road today talking to the people about the current events in our country. She made stops in Vinzons and Daet, Camarines Norte and Legazpi, Albay,” ang tinuran ng OVP.
“It is quite easy to confirm her activities through social media posts of the residents in these areas. The OVP condemns fake news and media releases for clickbaits and profit,” dagdag na pahayag ng OVP.
Sinasabing pangalawang pagkakataon na ito na hindi dumalo si VP Sara sa plenary debates para idetermina ang budget ng OVP.
Sa ulat, orihinal na naglaan ang OVP ng P2.037-billion budget sa ilalim ng National Expenditures Program (NEP), subalit nagdesisyon naman ang mga kongresista na tapyasan ito matapos na tumanggi si VP Sara na direktang sagutin ang mga tanong sa August 27 hearing.
Hindi rin ito ang unang pagkakataon na nag-viral si VP Sara dahil sa di umano’y pagbabakasyon.
Matatandaang, Hulyo ng taong kasalukuyan, umalis si VP Sara kasama ang kanyang pamilya para sa ‘unannounced trip’ sa Germany — ito’y nangyari sa kalagitnaan ng pananalasa ng Bagyong Carina at southwest monsoon, na humampas at nag-iwan ng mataas na tubig-baha sa ilang bahagi ng bansa. RNT