CAVITE, Philippines – Isang 49-anyos na babae ang naaresto makaraang makuhanan ng shabu nang dumalaw sa kaniyang kapatid na nakakulong sa BJMP Tanza, Cavite.
Ayon sa report ng pulisya, kinilala ang naarestong suspek sa alyas na “Guada,” dalaga, residente ng Barangay Amaya 6, ng nasabing bayan.
Base sa ulat, dakong alas-2 ng hapon sa BJMP Tanza, Barangay Daang Amaya I, dumalaw umano ang suspek sa kaniyang kapatid na kasalukuyang nakakulong sa kasong may kinalaman rin sa droga.
Batay sa isinagawang regular na inspeksiyon ng mga tauhan ng BJMP sa mga dumadalaw at may dalang gamit at pagkain, napansin umano ang isang kahina-hinalang bagay na nakatago sa loob ng isang sapatos.
Nang suriin, tumambad ang isang sachet na naglalaman ng hinihinalang ilegal na droga, na tinatayang tumitimbang ng 2.42 gramo at may tinatayang Standard Drug Price na ₱16,456.
Kasong paglabag sa Section 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kinahaharap suspek na nakakulong ngayon sa Tanza Municipal Police Station. MARGIE BAUTISTA