Tatlong gunrunners na pinamumunuan ng isang babae, kabilang ang isang aktibong pulis, ang nalambat ng mga tauhan ng District Special Operations Unit–Southern Police District (DSOU-SPD) sa ikinasang entrapment operation sa Taguig City Martes ng hapon, Hulyo 2.
Kinilala ng SPD ang mga nadakip na suspects na sina alyas Bobby Lewis, 28, kinilalang babaeng lider ng grupo; isang alyas Gary, 34, aktibong pulis; at isang alyas John, 34.
Base sa report na natanggap ni SPD director P/Brig. Gen. Leon Victor Rosete, 2024, naganap ang pag-aresto ng mga tauhan ng DSOU sa mga suspects dakong alas 3:40 ng hapon sa Acacia St., Cembo, Taguig City.
Ayon kay Rosete, naisagawa ang matagumpay na operasyon ng DSOU bunsod ng natanggap na impormasyon sa isang Regular Confidential Informant (RCI) tungkol sa ilegal na pagbebenta ng iba’t-ibang uri ng baril ni alyas Bobby Lewis at ng kanyang mga kasabwat sa lugar ng Makati at Taguig.
Matapos na makuha ang naturang impormasyon ay agad na nagkasa ng entrapment operation ang DSOU gamit ang mga Body Worn Cameras (BWC) at Alternative Recording Devices (ARD) na nagresulta ng pagkakaaresto ng mga suspects.
Sa isinagawang operasyon ay narekober sa posesyon ng mga suspects ang isang Rifle Defense M16 First SAMCO Modified Color na may serial number RP122190 at kargado ng ng 30 bala; isang Glock 17 Gen 4 na may AFP logo at serial number AFP058637 na kargado ng 17 bala; isang Arms Moravia Czech Republic na may serial number 613319 at kargado ng 10 bala; isang tennis bag na ginamit sa transaksyon; Yamaha NMAX motorcycle na walang plaka; tatlong mobile phones ng mga suspects; PNP Identification Card nap ag-aari ni alyas Gary; at dalawang tig-₱1,000 na nakapaibabaw sa boodle money na ginamit sa operasyon.
Sinabi ni Rosete na sa pagsasagawa ng beripikasyon sa pamamagitan ng Crime Information Reporting and Analysis System (CIRAS) ay nadiskubre na ang sangkot sa krimen na pulis na si alyas Gary ay naaresto na rin noong taong 2021 dahil sa kasong alarm and scandal.
Ang mga nakumpiskang ebidensya na iba’t-ibang klase ng baril ay dinala sa DSOU habang pansamantalang nakapiit naman sa custodial facility ang mga nadakip na suspects na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 (Illegal possession of firearms and explosives). (James I. Catapusan)