MANILA, Philippines – Isang babaeng security guard sa Cagayan de Oro City ang nakaligtas sa pananaksak ng 11 beses ng dati nitong live-in partner, na tumanggi itong makipaghiwalay sa kanya.
Base sa imbestigasyon, naka-duty ang biktima sa isang security post nang dumating ang suspek nitong Martes. Matapos ang mainitang pagtatalo, may ibinuhos umano ang suspek sa mukha ng biktima bago ito sinaksak ng paulit-ulit.
Ipinahayag ni Agora Police Investigator Staff Sergeant Manuel Zumel na ayaw tanggapin ng suspek ang desisyon ng biktima na wakasan ang kanilang relasyon.
Agad namang tumakas ang suspek matapos ang pag-atake at ngayon ay pinaghahanap na ng pulisya.
Nasa stable na kondisyon na umano ang biktima.
Nahaharap ang suspek sa kasong frustrated homicide at paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act (RA 9262). RNT