RIZAL — Patay na nang matagpuan ang isang 30-anyos na babae sa loob ng refrigerator sa inuupahan nitong apartment sa Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Rodriguez Municipal Police Station, nadiskubre ang bangkay noong Setyembre 16 matapos mapansin ng may-ari ng apartment ang masangsang na amoy mula sa unit.
Sinabi ng pulisya na may senyales ng pananakal sa leeg ang biktima. Nakakita rin ang mga imbestigador ng lubid na hinihinalang ginamit sa krimen.
Huling nakausap ng landlord ang biktima noong Setyembre 9 habang kasama nito ang isang lalaking nagpakilalang live-in partner niya. Nakita pa umano ng mga kapitbahay ang babae kinaumagahan ng Setyembre 10 habang tumatanggap ng delivery.
Itinuturing ngayon ng pulisya na person of interest ang naturang lalaki at patuloy itong pinaghahanap.
Lumabas din sa beripikasyon na peke umano ang driver’s license na ipinakita ng lalaki sa may-ari ng apartment. Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa krimen at iba pang detalye sa pagkakakilanlan ng mga sangkot. Dave Medina