MANILA, Philippines – BAGO matapos ang 48 oras na palugit upang malutas ang kaso nang pagpatay sa isang 22-anyos na babae dahil sa selos, naaresto ng mga tauhan ng Caloocan City Police Station ang suspek sa Tanza, Cavite bandang alas-2 ng madaling araw nitong Biyernes.
Ipirinisinta sa mga mamamahayag ni National Capital Region Police Office director PMGen Jose Melencio Nartatez, Jr. ang suspek na kinilalang si Reyand Pude, 22, na ipaghaharap ng kaukulang kaso sa Caloocan City Prosecutor’s Office.
Ipinaabot ni Nartatez ang pakikiramay ng buong NCRPO sa pagkamatay ni Marian Angeline Manaois, 22, na sinasaksak ng kanyang live-in partner na si Pude dahil sa selos.
Naganap ang pamamaslang sa harap ng isang restaurant sa Loreto St., Barangay 85, Bagong Barrio, Caloocan City noong alas-7:20 ng gabi ng Miyerkoles, Agosto 14 nang bigla na lang naglabas ng patalim si Pude at pinagsasaksak si Manaois na nagtamo ng maraming saksak sa katawan.
Mabilis na tumakas ang suspek patungo sa Edsa, Quezon City habang isinugod sa MCU Hospital ang biktima subalit idineklarang dead on arrival.
Sinasabing matinding selos ang pinagmulan o motibo sa pagpatay sa biktima.
Sa kanyang pakikiramay, sinabi ni Nartatez na bagaman naaresto ang suspek ay hindi pa rin nito kayang gamutin ang sakit na nararamdaman ng pamilya ni Manaois dahil sa pagkawala nito.
Gayunman, iginiit ng regional director ng NCRPO na ipinababatid niya sa pamilya na patuloy na nakatuon ang pamunuan ng Philippine National Police sa pagbibigay ng hustisya sa ngalan ng biktima.
Ayon pa kay Nartatez na nais niyang mabatid ng publiko na ang NCRPO ay nananatiling determinado sa misyon nito na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong rehiyon.
“Patuloy tayong kikilos nang may kasipagan at integridad sa pangangalaga sa kapakanan ng ating mga komunidad,” dagdag pa ng regional director. Lea Botones /Dave Baluyot