DAVAO DEL SUR- DUGUAN bumulagta sa kalsada ang isang babae matapos tambangan at pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga suspek pagkatapos ihatid ng una sa paaralan ang anak, nitong umaga sa bayan ng Sulop.
Kinilala ang biktimang si Mary Joy Hepiga Suarez, 29-anyos, at residente ng Barangay 7, Sulop, Davao del Sur.
Sa report ng Sulop Municipal Police Station, naganap ang krimen bandang 6:00 AM nitong Biyernes sa diversion road, Purok 7 ng naturang barangay.
Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya, sakay ng kanyang motorsiklo ang biktima pauwi sa kanilang tahanan pagkatapos ihatid sa Sulop National High School ang kanyang anak.
Pagdating sa nasabing lugar bigla na lamang itong hinarang ng dalawang suspek na nakamotorsiklo at pinagbabaril sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon.
Patuloy naman ang ginagawang follow-up investigation ng mga awtoridad para alamin ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek./Mary Anne Sapico