BEIRUT — Pumasok na sa ikapitong araw ang digmaan sa Middle East nitong Biyernes matapos bombahin ng Israel ang southern suburbs ng Beirut at ipahayag ang “next phase” ng kanilang military campaign.
Naglabas muna ng evacuation warning ang Israeli military para sa mga residente ng lugar bago ang pag-atake at hinimok silang lumikas agad. Dahil dito, nagkaroon ng panic at matinding trapiko habang nagmamadaling umalis ang mga residente.
Sumiklab ang tensyon matapos umatake ang Hezbollah bilang ganti sa pagkamatay ng Iranian supreme leader na si Ali Khamenei.
Ayon sa mga awtoridad sa Lebanon, umabot na sa 123 katao ang nasawi mula Lunes, habang 683 ang nasugatan at hindi bababa sa 90,000 ang napilitang lumikas.
Umabot na rin ang epekto ng digmaan sa iba pang bansa sa Gulf region kung saan nagkaroon ng missile at drone attacks sa Bahrain, Saudi Arabia, at Qatar.
Isang 11-anyos na batang babae ang nasawi sa Kuwait, habang anim na katao ang nasugatan matapos tamaan ng debris mula sa isang drone sa Abu Dhabi.
Lumawak din ang tensyon sa ibang bahagi ng mundo matapos magbabala ang Azerbaijan ng posibleng ganting aksyon kasunod ng drone attack sa isang paliparan.
Samantala, nagpadala ng dalawang military aircraft ang Australia sa rehiyon, habang sinabi ng Canada na maaaring magpadala rin ito ng kanilang pwersa.
Sa usaping pulitikal, tinutulan ni Donald Trump ang posibilidad na pumalit bilang lider ng Iran si Mojtaba Khamenei.
“I have to be involved in the appointment, like with Delcy,” ani Trump sa panayam ng Axios.
Naapektuhan na rin ng digmaan ang mahahalagang rutang pandagat tulad ng Strait of Hormuz.
Ayon sa isang Iranian state-run foundation, umabot na sa 1,230 ang nasawi sa mga airstrike ng Estados Unidos at Israel, bagaman hindi pa ito nakukumpirma nang independiyente.
Samantala, iniulat ng militar ng Estados Unidos na anim sa kanilang mga tauhan ang nasawi mula nang magsimula ang digmaan noong Sabado. RNT