MANILA, Philippines- Tinitingnan ng Commission on Elections (Comelec) ang pagkuha ng mas maraming tauhan para mapabilis ang beripikasyon ng mga naimprentang opisyal na balota.
Sinabi ni Comelec chairperson George Garcia na tinitingnan nila ang pagkuha ng 300 indibidwal para dagdagan ang kasalukuyang 800 verifiers dahil sa mabagal na paggalaw sa proseso ng beripikasyon.
Ayon pa kay Garcia, pinag-iisipan din nilang gamitin ang National Irrigation Administration at ang Amoranto Stadium, kapwa sa Quezon City, bilang venue para magsagawa ng beripikasyon ng mga balota.
Sa kabila nito, kumpiyansa si Garcia na matutugunan nila ang deadline sa Abril 14 para tapusin ang pag-imprenta ng mahigit 72 milyong opisyal na balota na gagamitin sa May 2025 midterm polls.
Batay sa datos ng Comelec, may kabuuang 11,780,626 balota ang naimprenta, noong Pebrero 4 — 5,806,965 na balota ang naimprenta ng Miru Systems Inc., at 5,973,661 na balota na ginawa ng National Printing Office.
Ito ay katumbas ng 16.34 porsyento ng 72,107,420 kabuuang bilang ng mga balota na kailangang iimprenta.
Iniulat din ni Garcia na ang kanilang pang-araw-araw na output ay lumampas sa kanilang inisyal na pagtatantya na 1.5 milyong balota na naiimprenta sa isang araw.
Samantala, sa pinakabagong ulat, ayon sa Comelec, nasa mahigit 12 milyong official ballots na ang kanilang naimprenta mula nang ito ay muling umarangkada noong Enero 30.
Target ng Komisyon na matapos ang 75 milyong balota hanggang Abril 14, 2025 para agad din itong mai-deliver sa bawat probinsya, munisipyo at siyudad.
Upang mas lalo pang mapabilis ang pag-imprenta, anim na malalaking makina na ang ginamit ng Comelec sa National Printing Office sa Quezon City.
Sa kabila nito, sinabi ni Garcia na bumagal ang pag-usad dahil kailangang dumaan sa manual verification at automatic counting verification para matiyak ang kasiguruhan nito. Jocelyn Tabangcura-Domenden