MANILA, Philippines – Isiniwalat ng state witness at dating Public Works and Highways undersecretary Roberto Bernardo nitong Biyernes, Abril 24 na personal niyang inihatid ang P250 milyong halaga ng commitment fee o bahagi ng bayad para sa proyekto ng pamahalaan kay dating senador Ramon Bong Revilla, Jr.
Ang testimonyang ito ni Bernardo ay kasabay ng bail hearing sa Sandiganbayan ni Revilla at limang co-accused sa kasong malversation dahil sa P92.8 milyong flood control project sa Bulacan.
Aniya, personal niyang inihatid ang P125 milyon sa White House residence ni Revilla noong 2024 at isa pang P125 milyon noong Marso 2025.
Nagkaroon din ng paghahatid ng P250 milyong commitment fee na ginawa ng kanyang aide na si Vergel NiƱo Garcia, sa bahay ni Revilla noong Pebrero 2025 ngunit wala ito sa bahay nang mga panahong iyon.
“I have seen the boxes [of commitment fee] delivered,” ani Bernardo.
“I myself, with my driver, [was there in the delivery], two times. I was there in first and third deliveries,” dagdag pa.
Ani Bernardo, anim na kahon at isang paper bag ang inihatid kay Revilla sa unang pagkakataon, at 13 kahon naman sa ikalawang pagkakataon, habang anim na kahon ang idineliber sa ikatlong pagkakataon.
Ipinresenta rin ng prosecution panel ang banker’s box na tinukoy naman ni Bernardo bilang isa sa mga ginamit sa delivery.
Ito umano ang mga kahon na kasya sa sasakyan nito sa mga nabanggit na delivery.
Kasya rin aniya sa banker’s box ang P20 milyon.
“It (P20 million) could easily fit in the box,” sinabi ni Bernardo. RNT/JGC