Home NATIONWIDE BFAR wala pang natatanggap na ulat sa panggugulo ng China sa pangingisda...

BFAR wala pang natatanggap na ulat sa panggugulo ng China sa pangingisda sa WPS

MANILA, Philippines – Inihayag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) nitong Lunes, Hunyo 3 na wala pa itong natatanggap na ulat ng pagpigil ng China sa mga mangingisdang Pinoy na mangisda sa West Philippine Sea sa kabila ng unilateral fishing ban ng nasabing bansa.

Sa panayam, sianbi ni BFAR spokesperson Nazario Briguera na hindi kinikilala ng ahensya ang ban ng China sa lugar.

“Sa ngayon, wala naman tayong natatanggap na ulat na pinipigilan na ang ating mangingisda kaugnay nitong nilabas ng China na unilateral declaration patungkol sa fishing ban,” ani Briguera.

“Malinaw po ang posisyon natin dyan katulad po ng posisyong ng Department of Foreign Affairs noong nilabas nila yung protesta, hindi po natin ito kinikilala. At walang dahilan para po huminto sa pangingisda ang ating mga mangingisda dyan sa WPS,” dagdag pa niya.

Ayon kay Briguera, mayroong nasa 300,000 mangingisda sa West Philippine Sea na nag-aambag sa 11% ng marine capture fisheries ng bansa.

Nauna nang kinondena ng Pilipinas ang fishing ban ng China dahil lumalabag ito sa international law at tumatapak sa soberanya at maritime rights ng bansa.

Inanunsyo naman ng Philippine Coast Guard (PCG) at BFAR kamakailan na paiigtingin pa nila ang presensya sa Bajo de Masinloc upang masigurong makapapangisda pa rin ang mga Filipino sa lugar sa kabila ng fishing ban ng China. RNT/JGC