Home NATIONWIDE BI: Imbestigasyon sa pagtakas ng puganteng Korean pinalawak; mas maraming mananagot

BI: Imbestigasyon sa pagtakas ng puganteng Korean pinalawak; mas maraming mananagot

MANILA, Philippines- Nagsasagawa ng malawakang imbestigasyon sa kanilang mga tauhan ang Bureau of Immigration (BI) upang alamin ang posibleng pagkakasangkot, pagpapabaya, o pagkabigo na pigilan ang pagtakas ng puganteng South Korean na si Na Ikhyeon.

Sa isang press release, kinumpirma ni BI Commissioner Joel Viado ang development habang pinalalawak nito ang imbestigasyon sa pagtakas ni Na.

“Hindi ito simpleng pagkakamali, may sabwatan dito. We are identifying more personnel who may have played a role, directly or indirectly,” ani Viado.

Sinabi ni Viado na inirekomenda na niya ang preventive suspension ng ilang karagdagang tauhan ng BI, at marami pang darating.

Ito ay higit pa sa tatlong empleyado ng Immigration, dalawang manggagawang kontraktuwal at isang permanente, na tinanggal sa serbisyo at nahaharap sa mga kaso sa Department of Justice.

Noong nakaraang Linggo, inihayag ng BI na muling inaresto si Na kasama si Kang Changbeom sa Barangay Pampang sa Angeles City, Pampanga.

Muling naaresto si Na makaraang magawa nitong matakasan ang mga nagbabantay sa kanya matapos nitong dumalo sa kanyang pagdinig sa korte sa kasong panloloko sa Quezon City.

Siya ay inaresto noong Mayo 2023, ngunit hindi pa na-deport dahil sa nakabinbing kasong estafa sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Samantala, magpapatupad ng reporma ang BI upang maiwasan ang mga katulad na insidente na mangyari muli sa hinaharap.

Bilang bahagi ng mga reporma, sinabi ni Viado na tinitingnan nila ang mga rekord ng iba pang nakakulong na dayuhan para sa posibleng pattern ng katiwalian.

“This is not just about one escape, this is about dismantling an entire system of corruption that has allowed foreign criminals to operate freely. Kailangang alugin ang mga sistemang nakaugalian at itama ang mga mali,” ani Viado.

Sinabi rin ng BI commissioner na nakatakda silang lumipat sa isang mas secure na holding facility sa lalong madaling panahon upang matiyak ang mas mahusay na pagsubaybay sa mga detainee.

Idinagdag ni Viado na nakatakda silang lumipat sa mas ligtas na holding facility sa lalong madaling panahon, upang matiyak ang maayos na pagsubaybay sa mga immigration detainees.

Inatasan din niya ang pagsasagawa ng mandatory background check sa mga opisyal ng BI na humahawak sa mga dayuhang pugante, magpatupad ng mga rotation ng mga tauhan at palakasin ang pakikipagtulungan sa mga foreign intelligence agency.

“Kung patuloy kayo na magpapabaya sa inyong tungkulin o makikipag-sabwatan sa mga masamang gawain, hindi lang kayo maaalis, kundi haharapin ninyo ang pinakamabigat na parusa sa ilalim ng batas,” babala ni Viado sa mga tauhan ng BI.

“Hindi ako magdadalawang-isip na alisin ang mga kasangkot at papanagutin sila sa kanilang mga kasalanan,” dagdag pa ng opisyal. JR Reyes